SUHOL NG POGO CHINESE CASINO
UPANG hindi magalaw ang kanilang operasyon sa Pilipinas, gumagastos ng halagang $500,000 hanggang isang milyong dolyar kada buwan ang Chinese company upang panuhol sa mga politiko, pulis at mga opisyal ng Bureau of Immigration.
Ito ang isiniwalat sa artikulong lumabas sa Los Angeles Times hinggil sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.
Ayon sa artikulo, isang dating security consultant ng gambling operator sa Maynila ang umamin na ang kanilang kompanya ay nagbibigay ng $500,000 hanggang isang milyong dolyar kada buwan bilang suhol.
“Legislators, law enforcement, immigration officials, they all came asking for handouts because they knew the money was coming from China,” sabi ni consultant.
Malaki rin ang kinukubrang revenue ng gobyerno sa mga Chinese online casino kung saan noong nakaraang taon lamang ay pumalo ito sa $140 milyon sa licensing fees lamang.
Inihayag ng Department of Finance nitong nagdaang araw lamang na sisimulan na nilang singil ng buwis ang mga Chinese at umaasa silang makakakolekta ng dalawang bilyong piso kada buwan.
Nagsimulang lumobo ang mga POGO operator sa bansa noong 2016 nang makipagkaibigan ang administrasyong Duterte sa bansang China. Nilagdaan ng Pangulo ang Executive Order No. 13 upang hubaran ng kapangyarihan ang dalawang regional economic agencies na mag-isyu ng offshore gambling license at ilipat ang kapangyarihang ito sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na siyang national regulator at gambling operator.
Sinunggaban ito ng mga investor sa Pilipinas at Asya at agad na kinontak ang mga gambler sa China upang makapagtayo ng negosyo sa bansa.
Dinala sa Pilipinas ang mga Chinese na nagtatrabaho lang bilang mga factory worker at magsasaka sa mainland China. Itinira ito ng kanilang employer sa mga condominium kaya’t nagmahalan ang presyo ng condo sa bansa simula nang sumulpot ang mga Chinese.
Sa ngayon, tinatayang 100,000 Chinese ang nasa Pilipinas na at nagtatrabaho sa gambling company bilang marketing agents, tech support specialists at engineers upang magserbisyo sa mga Mandarin-speaking na kliyente online.
“Everybody is after the Chinese customers because they’re the biggest market and they’re the biggest gamblers,” wika ng isang Rosalind Wade, managing director ng Asia Gaming Brief.
Isa sa naadik sa online gaming ay si Fan Zheng, 30-anyos, na store clerk ng Hainan province. Una siyang sumubok na tumaya ng $1.50 sa Tencent-Every-Minute-Lottery hanggang sa lumakas ang kanyang taya at umabot na ito sa $10,000. Kalaunan ay nabaon siya sa utang.
Noong Hunyo, tumama siya ng malaki at mababayaran na sana ang utang na $150,000. Pero nang kokolekta na siya, nagsara na pala ang kanyang account dahil naglaho na ang kanyang agent sa Pilipinas. Hindi siya makapagsuplong sa mga pulis dahil bawal ang pagsusugal sa China.
Source From:https://www.abante.com.ph/%e2%82%b150m-suhol-ng-pogo-chinese-casino.htm