Ipinasasapubliko ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang pangalan ng mga artistang sangkot umano sa iligal na droga.
Ito’y matapos hubaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 46 pangalan sa tinatawag na mga narco-politician na pawang mahaharap sa mga kasong administratibo sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Sotto, walang dapat na ipangamba sa paglalabas ng pangalan ng mga artistang sangkot umano sa droga dahil lehitimo at balido ang impormasyong isiniwalat ng party drug supplier na si Steve John Pasion na napatay sa isang buy-bust operation sa Maynila kamakailan.
“Might as well name the celebrities patronizing these drug pushers. At least ‘yun ‘pag galing sa pusher ang info, validated,” sabi ni Sotto.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang artista na diumano’y sangkot sa illegal drug trade.
Una nang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na isang sikat na lalaki at babaeng celebrity ang kumukuha ng droga kay Pasion.
Nakuha umano ang impormasyon mula sa cellphone ni Pasion kung saan nakita rin umano nila ang litrato ng mga celebrity.
Dagdag pa ni Aquino na tatlong beses nang lumabas ang pangalan ng sikat na celebrity sa mga naaresto nilang big-time drug dealer.
Source From:https://www.abante.com.ph/2-narco-celeb-pangalanan-na.htm