DALAWANG Pinay ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos umaming sila’y hinikayat maging mga surrogate mother sa China.
Ayon kay BI Chief Operations Division Grifton Medina, ang mga biktima ay pasakay ng isang Cebu Pacific flight papuntang Hong Kong nang sila ay maharang ng mga miyembro ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa immigration departure area ng NAIA Terminal 3.
Sina Ria, 32, at Ellie, 28 (hindi totoong mga pangalan) ay umaming nakipagkasundo dahil sa kahirapan.
Ang dalawa ay mga dating overseas Filipino workers (OFWs) at kailangan ng pera upang suportahan ang kanilang mga pamilya.
“They immediately confessed during interview that they were actually bound for China where their services as surrogate mothers. Their visas will be processed in Hong Kong,” ani Medina.
Ang isang surrogacy arrangement ay karaniwang hinahangad kapag ang pagbubuntis ay imposible o may dalang panganib sa isang totoong ina.
Sa ganitong kalakaran ay nasasamantala ang mga kababaihan na ang mga sinapupunan ay itinuturing bilang mga kalakal upang matugunan ang mga reproductive needs ng mga mayayamang tao na hindi kayang magkaanak.
Sa katulad na kaso noong 2018, may 32 kababaihan ang nagpunta ng Cambodia para maging surrogate mothers sa isang illegal surrogacy ring na nagbibigay ng serbisyo para sa mga kliyenteng Tsino.
Ang dalawang babae ay dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at tulong. (Mina Aquino)
Source From:https://www.abante.com.ph/2-pinay-na-inupahang-surrogate-mother-hinarang-sa-naia.htm