DALAWA-kataong pasyente ng Person Under Investigation o PUI ang panibagong kaso na namatay dahil sa sintomas ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa dalawang bayan sa Pangasinan, ayon sa Pangasinan Provincial Health Office (PPHO) noong Miyerkules.
Ayon sa report ng PPHO, ang unang namatay ay residente ng Lingayen, Pangasinan na mahigpit na binantayan sa pagamutan matapos magpakita ng sintomas ng coronavirus.
Dahil dito, sinabi ng health officials na 11 na lamang ang nasa pagamutan habang nakalabas na ang 24 mula sa kabuuang 36 na binabatayang PUI.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa kung kumpirmadong positibo sa naturang virus ang biktima.
Samantala, sa bayan ng San Fabian, Pangasinan, isang pitong-taong gulang na batang babae ang namatay dahil sa virus.
Ayon kay San Fabian Mayor Constante Agbayani, ang bata ay taga-Barangay Inmalog Sur at kauna-unahang kaso ng nasabing virus sa San Fabian.
Sa report ng provincial health office, sinabi ni Agbayani na ang batang pasyente ay nasa La Union Medical Center sa Agoo, La Union noong March 26 at namatay sa nasabi ring araw.
Hindi pa alam ng mga otoridad kung sino-sino ang mga nakasalamuha ng biktima bago siya pumanaw. (Allan Bergonia)
Source From:https://www.abante.com.ph/2-pui-sa-pangasinan-namatay.htm