MAYNILA – Dalawang simbahan sa Quiapo at Malate, Maynila ang isinailalim sa lockdown matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang pari doon.
Ayon kay Fr. Douglas Badong ng Minor Basilica of the Black Nazareno, may isa silang bisitang pari na nagpositibo sa COVID-19.
Naabutan ng lockdown sa Maynila ang pari at nakituloy muna sa parokya sa Quiapo simula noong Marso hanggang Hunyo. Bumalik na siya sa Mindanao at doon na lang nalaman na positive sa Covid-19.
Nilinaw ni Fr. Badong na bago pa man umalis ang naturang pari, nakapag-rapid test na siya sa Maynila at negatibo ang naging resulta. Negatibo din ang resulta ng rapid test sa lahat ng staff ng parokya.
Gayunpaman, napag-isipan nilang ilockdown ang simbahan ng dalawang linggo hanggang July 4. Magpapatuloy pa rin naman aniya ang online masses via Facebook, pero bawal lang munang pumasok sa simbahan at hindi rin sila lalabas ng simbahan.
Ang Santisima Trinidad Parish sa Malate ay naka-lockdown din.
Ayon sa pahayag ng parish priest na si Fr. Jojo Buenafe, nagkasakit siya at isa pang kasamahan sa kumbento ng COVID-19.
Naka quarantine siya sa kanyang kwarto at walang nararamdamang sintomas, samantala ang staff member niya ay nagpapagaling sa ospital.–Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News