MAY kanya-kanyang paliwanag ang ilang kongresista na nakasama sa listahan ng narco-list na isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Leyte Rep. Vicente ‘Ching’ Veloso na nakahanda itong mag-resign kapag napatunayan ng mga awtoridad na isa siyang narco-politician.
Pero kung hindi mapatotohanan ang bintang, hinamon ni Veloso sina Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Director General Aaron Aquino na mag-alsa balutan sa puwesto.
Iginiit ni Veloso na rehash na lamang ang listahan dahil pinasinungalingan na ng PDEA-Leyte at ng self-confessed drug Lord na si Kerwin Espinosa ang pagkakadawit niya sa kalakaran ng iligal na droga.
“This is a rehash,” ani Veloso.
Haharapin naman ni Pangasinan Rep. Jesus Celeste ang kontrobersya.
Wala aniyang basehan ang bintang.
“It is but natural that I would feel sad and angry by the inclusion of my name in the list. The allegation against me has been circulating for several years already and is hurting my family,” sabi ni Celeste.
Pinag-aaralan na rin ni Celeste ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nagdawit sa kanyang pangalan.
Bukod kina Veloso at Celeste, kasama rin sa narco-list si Zambales Rep. Jeffrey Khonghun.
Hindi muna nagkomento si Khonghun. Kokonsultahin muna umano nito ang kanyang abogado.
“Hindi ko pa nakakausap ang lawyer ko eh, puwedeng hindi muna ‘ko mag-comment?” ani Khonghun.
Sina Reps. Veloso at Khonghun ay sasabak sa re-election habang si Celeste ay hindi naman naghain ng certificate of candidacy noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Source From:https://www.abante.com.ph/3-congressman-sa-narco-list-pumalag.htm