LUMUTANG na ang tatlong pulis na hinihinalang nasa likod ng brutal na pagpatay sa anak ni Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta at sa isa pa nitong kasamahan.
Sumuko kay Calabarzon Police Regional Director Chief Supt. Edward Carranza sina Supt. Mark Joseph Laygo, dating hepe ng Tabayas Police, PO3 Robert Legazpi at PO2 Leonald Sumalpong, Biyernes nang umaga.
Dadalhin sa tanggapan ng National Bureau of Investigation-Lucena District Office ang tatlo para sumasailalim sa pagsisiyasat.
Si Laygo at ilang tauhan ng Tayabas Police Station ang suspek sa pagpatay kina Christian Gayeta at Christopher Manalo noong Marso 14 sa Tayabas City sa isa umanong shootout, pero ayon sa NBI investigation ay walang encounter o shootout na naganap.
May apat na miyembro ng Tayabas Police Station ang nagbigay na ng salaysay sa NBI na nagpapatunay na walang naganap na engkuwentro.
Ayon sa alkalde, gusto nito na makaharap nang personal ang mga suspek para malaman ang motibo sa pagpatay sa kanyang anak.
Source From:https://www.abante.com.ph/3-pulis-na-sangkot-sa-pagkamatay-ng-anak-ng-sariaya-mayor-sumuko.htm