Nananatili sa kustodiya ng Caloocan police ang anim na jeepney driver na inaresto matapos magkilos-protesta sa Monumento, Caloocan City nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Dario Menor, isasailalim sa Miyerkoles sa inquest ang mga tsuper para kasong paglabag umano sa physical distancing protocols.
Inaresto ang mga jeepney driver na pawang mga miyembro ng grupong PISTON matapos ang isinagawang “Busina para sa Balik Pasada” protest na nanawagang payagang nang bumalik sa kalsada ang mga jeepney. Tumanggi din umano ang mga itong mag-disperse.
Ayon naman kay PISTON Secretary General George San Mateo, sumunod naman sa physical distancing ang mga tsuper at gawa-gawa lamang ang kaso.
Gutom din umano ang nag-udyok sa mga itong magkilos protesta dahil sa kawalan ng kita.
Una na ring hiniling ng grupo ang mass testing para sa mga tsuper.