ISINUGOD sa ospital ang 66 atleta ng lalawigan ng Biliran na lumahok sa Eastern Visayas Regional Athletic Association meet sa Ormoc City dahil sa pagkahilo, pagsusuka, at sakit ng tiyan pagkatapos kumain ng hapunan Sabado nang gabi.
Naganap ang insidente pasado alas-siyete pagkatapos kumain ng hapunan ng mga deligado. Nabatid na pina-cater ang mga pagkain.
Makalipas lang ang ilang minuto ay isa-isa ng nakaramdam ng sintomas ng food poison ang mga atleta at isinugod sa iba’t ibang pagamutan.
Sa nasabing bilang, 57 na sa mga biktima ang nakalabas ng ospital habang patuloy pa ring inoobserbahan ang siyam na iba pa.
Maaari na rin umanong makipagtunggali ang mga atleta sa iba’t ibang larangan subalit kahapon ay hindi na sila pinayagan pang sumama sa parada kung saan opisyal na nagbukas ang kompetisyon.
Kumuha na rin ng mga sample ng kinain ng mga biktima ang Ormoc City Health Office upang isailalim sa laboratory examination.
Napag-alaman na mahigit sa 10,000 atleta at delegado mula sa 13 dibisyon ng rehiyon ang lumahok sa nasabing sports meet na gagawin mula Abril 7 hanggang 12 kung saan ang Ormoc City ang host. (Edwin Balasa)
Source From:https://www.abante.com.ph/66-atleta-nalason-sa-kinaing-hapunan.htm