Eto na naman ang panahon na kabi-kabila ang balitang naririnig natin tungkol sa kakulangan sa supply ng tubig. Buwan ng Marso hanggang Mayo ang tinatawag nating tag-init sa Pilipinas at sa mga panahong ito malakas ang konsumo ng tubig sa bawat bahay at tanggapan. Ito rin ang mga buwan na tigang ang lupa at halos walang ulan na dumarating.
Kung walang ulan, bababa ng level ng tubig sa mga dam at habang patuloy itong nangyayari, asahan ang madalas na putol sa supply ng tubig at rasyon sa bawat barangay.
Nabasa ko noong nakaraang buwan ang advisory ng Pagasa na nagbababala ng matinding tagtuyot sa epekto ng El Niño phenomenon o sa simpleng paliwanag ay ang ‘di pangkaraniwang pag-init ng tubig dagat at hangin sa kapaligiran. Sinasabing mas malaki ang epekto ng El Niño sa mga bansang nakadepende sa kanilang agrikultura at pangingisda, tulad ng Pilipinas.
Labingsiyam (19) na lugar ang binanggit ng Pagasa na makararanas ng matinding tagtuyot sa mga susunod na buwan. Ito ay ang Metro Manila, Pangasinan, Bataan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Batangas, Cavite, Laguna, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Masbate, Antique, Iloilo, Northern Samar, Western Samar at Dinagat Islands.
Ang Rizal na kapitbahay ng Metro Manila ay tinatayang makakaranas ng mas maikling tagtuyot kumpara sa ibang lugar na nabanggit.
Sa kasagsagan ng ganitong balita, sana’y maging aksyon ang pahayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol na nakahanda na sila sa magiging epekto ng El Niño tulad ng emergency rice supply, pondo para sa pautang at pambayad ng crop insurance.
Ang batas na Republic Act (RA) 10969 o Free Irrigation Service Act na ating inakda sa Senado ay naisipan nating balangkasin noon upang tugunan ang pangangailangan ng magsasaka sa patubig, at bigyan sila ng karagdagang suportang pinansyal. Lahat ng magsasakang may hanggang 8 hektaryang lupain ay hindi na pagbabayarin ng irrigation service fee (ISF) sa patubig na galing sa National Irrigation System at Communal Irrigation System. Binura rin sa listahan ng National Irrigation Authority ang mga hindi pa bayad na utang sa irigasyon ng mga nasabing magsasaka.
May dalawa pa tayong nakasalang na panukalang batas sa Senado na sana’y umusad at mapagtuunan ng pansin, sapagkat malaking tulong ito para sa ating magsasaka na taon-taon ay nanganganib tamaan ng tagtuyot, kundi man pagkasira ng pananim dahil sa sobrang ulan at baha.
Ang Senate Bill 799 o Crop Insurance ay naglalayong amyendahan ang RA 9700 o Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang maisama ang ‘full crop insurance coverage’ sa mga danyos na maaaring bayaran bunsod ng kalamidad na tulad ng bagyo, baha, tagtuyot, lindol, pagsabog ng bulkan at peste sa pananim. Ang coverage ng panukalang crop insurance ay mula sa panahon ng pagtatanim hanggang sa pag-ani.
May Senate Bill 856 rin tayong nakabimbin sa komite sa Senado na naglalayong gawing modernisado ang sistema ng agrikultura sa bansa sa pamamagitan ng karagdagang pondo na kukunin sa 5% koleksyon ng VAT at gugugulin sa ganitong pagkakahati:
20% para sa construction, rehabilitation at restoration ng communal irrigation system; 10% sa post-harvest facilities; 10% subsidy para sa punla at organic fertilizer; 20% sa farm-to-market roads sa mga munisipalidad na maraming produktibong agrikultura; 10% sa livestock dispersal program; 10% sa training programs sa magsasaka at kliyente nila; 10% sa pautang para sa maliliit na magsasaka; at 10% sa establishment at maintenance ng maniculture at aquaculture plants.
Ang Pilipinas na may dalawang klase ng panahong umiiral kada taon ‑ tag-araw at tag-ulan ‑ ay masasabi nating sala sa lamig at sala sa init. Tiyak na may parte ng bansang mahahagip ng pabago-bago at tumitinding weather pattern.
Kahandaan, advance na pag-iisip at mabilis na aksyon ang magbibigay proteksyon sa ating mga mangingisda at magsasaka sa anumang panganib na idudulot ng El Niño at La Niña (kombinasyon ng madalas na pag-ulan, malamig na temperatura at malakas na hangin).
Makakaasa naman kayo na patuloy naming ginagawa ang trabaho sa Senado upang makalikha ng mga batas na tutugon sa pangangailangan at potensyal na problemang kakaharapin ng bansa at ng mamamayang Pilipino.
Source From:https://www.abante.com.ph/advance-mag-isip-sa-el-nino-at-la-nina.htm