Agent ni Veloso guilty sa illegal recruitment

3 years ago 0 Comments

HABAMBUHAY na pagkabilanggo ang iginawad ng hukuman sa mag-live in na diumano’y recruiter ng death convict na si Mary Jane Veloso kaugnay ng kasong large scale illegal recruitment na isinampa ng tatlong kababaihan.

Kahapong alas-nuwebe nang umaga binasa ang sentensya laban kina Julius Lacanilao at Maria Cristina Sergio ng Talavera Nueva Ecija sa sala ni Judge Anarica Reyes ng Regional Trial Court Branch 88, Sto. Domingo, Nueva Ecija.

Ang kaso ay inihain noong Mayo 2015 nina Ana Marie Gonzales, Lorna Valino at Jenalyn Paraiso.

Katulad umano ni Veloso, ang tatlo ay pinangakuan ng mga akusado ng trabaho sa ibayong dagat. Ang kaibahan lamang, hindi sila nagtuloy samantalang si Veloso ay nag-abroad na nagresulta sa pagkadakip sa kanya habang diumano’y bitbit ang maleta na may 2.2 kilo ng heroin.

Bukod sa pagkabilanggo ay pinagbabayad din ng hukuman sina Lacanilao at Sergio ng halagang P2 milyon.

Ayon sa hukuman, malinaw na napatunayan ng prosekusyon ang pagkakasala ng dalawa.

Ang large scale illegal recruitment na nadesisyunan ay hiwalay sa simple illegal recruitment at isa pang kaso ng estafa na inihain ni Veloso sa pamamagitan ng kanyang ina.

Pero bagaman at hiwalay ito sa kasong drug trafficking ng Indonesia kung saan nahatulan ng kamatayan sa firing squad si Veloso ay umaasa ang National Union of People’s Lawyers na makatutulong ito para tuluyan siyang makalaya.

Malinaw raw kasi na biktima ng human trafficking si Veloso at posible itong ikonsidera sa Indonesian government, ayon kay Atty. Josalee Deinla, NUPL spokesperson. (Jojo De Guzman)

Source From:https://www.abante.com.ph/agent-ni-veloso-guilty-sa-illegal-recruitment.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi