Mag-iipon ng tatag ng loob si Alessandra de Rossi para ipagtanggol ang katotohanan at sariling buhay nang maakusahang nagtutulak ng droga sa kanyang pagganap bilang si Josie, isang butihing nanay at mapagmahal na asawa, sa episode ng “Ipaglaban Mo” ngayong Sabado (Marso 30).
Tinutulungan ni Josie ang asawang si Danny (Christopher Roxas) maghanapbuhay sa pamamagitan ng pagbenta ng bigas habang nadedestino sa ibang lugar ang asawa. Kalaunan, makakakuha ng trabaho sa pagpipinta sa Pangasinan si Danny. Ibibilin nito ang pamilya sa kabarkada at matagal nang kaibigang si Briggs (Ping Medina) habang nasa Pangasinan kahit na may kumakalat na haka-haka sa kanilang komunidad na “tulak” ang huli ng droga. Sa kabila ng mga sinasabi tungkol kay Briggs, pagkakatiwalaan ito ni Danny na bantayan ang pamilya habang wala siya.
Masusubukan si Josie nang magkasakit ang isa sa kanilang mga anak at hindi makakapagbigay ng sustento si Danny. Maiisip nitong lumapit kay Briggs para humingi ng tulong.
Hanggang sa isang araw ay maaresto ng mga awtoridad si Briggs. Kanyang ituturo si Josie na siyang nagtatago ng pera mula sa buy-bust operation na kinasangkutan niya.
Aarestuhin ng mga pulis si Briggs at, sa paghahalughog ng bahay nina Josie, makikitaan ito ng marijuana at ng diumano’y hinahanap na perang galing sa buy-bust operation. Dahil dito, aarestuhin sila ng mga pulis na sina PO3 Consuelo (Jun Nayra) at (Dunhill Banzon) SPO1 Banzon na siya ring tetestigo laban kina Josie at Briggs.
Sa paglalim ng imbestigasyon, sasabihin ni Briggs sa mga pulis na si Danny na totoong “mastermind” ng mga pagtutulak. Masesentensyahan kalaunan sina Josie at Briggs ng kamatayan.
Paano malalaman ng korte ang katotohanan sa kabila ng mga pahayag ni Briggs sa mga pulis? Maabswelto pa kaya si Josie at makalaya?
Tutukan ‘yan sa “Tulak” sa direksyon ni Marinete de Guzman.
Source From:https://www.abante.com.ph/alessandra-inakusahang-nagtutulak-ng-droga.htm