MAGANDANG ehemplo sa mga umuunlad na bayan sa bansa ang lungsod ng Lipa dahil sa patuloy na pag-unlad ng kalakalan nito, ayon kay re-electionist Senator Sonny Angara.
Binigyang-diin ni Angara na sa kasalukuyan, dahil sa malusog na takbo ng iba’t ibang industriya sa Lipa City, malaki ang naiaambag nito sa ekonomiya ng buong lalawigan ng Batangas.
Nitong nagdaang mga taon, itinala ang Lipa bilang isa sa mga nangungunang destinasyon para sa mga business process outsourcing (BPO) companies na nasa labas ng Kalakhang Maynila. Dahil dito, maraming mga lokal na residente ng naturang lungsod at mga karatig-bayan nito ang nakakuha ng trabaho at maayos na pasuweldo.
Sa ngayon, 10 BPOs na ang matatagpuan sa Lipa City, batay sa ipinalabas na datos ng lokal na pamahalaan noong 2016.
“Totoo naman po na kahanga-hanga ang kuwento ng tagumpay sa siyudad ng Lipa—magandang ekonomiya, maraming mamumuhunan at masaganang trabaho,” ani Angara, na muling tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng platapormang “Alagang Angara.”
“Umaasa ako na ang tagumpay na ito ng Lipa ay magawa rin ng iba pang urban centers. At kung dumating po ang pagbuhos ng mga negosyo, sana po ay handa rin ang ating workers para sumabak sa trabaho,” ayon pa kay Angara.
Source From:https://www.abante.com.ph/angara-lipa-city-ehemplo-sa-kaunlaran.htm