Kahit noong Marso 9 ang ika-75 kaarawan ni National Artist Virgilio S. Almario, ang paglulunsad ng kanyang bagong aklat na “Bakit kailangan natin si Pedro Bucaneg” noong 16 Marso ang selebrasyon ng kanyang mga kaibigan at tagahanga. Sa dami ng tao sa uniberso na nasa kanyang sirkulo, personal ang imbitasyon sa event na natanggap ko sa pamamagitan ng text noong isang buwan pa!
Si Almario ay kilalang nagsusuot ng maraming sombrero (literal at figurative), ilan sa mga ito ay ang pagiging publisher. Siya pala ang nagtatag ng Abante noong 1987, kasagsagan ng pagbabalik ng demokrasya. Mahalaga ang Abante sapagkat ito ang binabasa ng karaniwang tao kaya nakakainis na hindi ito iniipon ng mga pangunahing mga aklatan sa Pilipinas, napakaelitista.
May debate pa kung sino ba ang Ama ng Literaturang Pambata sa Pilipinas, pero hindi na mahalaga sa akin iyon, kapwa si Rene Villanueva at Virgilio Almario ang mga amang nagtaguyod nito. Si Almario ang publisher ng Aklat Adarna na inilalako sa aming paaralan noong elementarya ako sa probinsiya. Ilang bayani ang nakilala ko dahil sa mga aklat nila kaya naman isa ang Aklat Adarna sa dahilan bakit ako naging historyador. Malaki ang papel nito sa pagkamulat sa kultura at magandang asal ng mga millennial.
Pero sa mga papel ni Almario, pinakamatingkad ang kanyang pagiging makata at kritikong pampanitikan. Kapag si Almario ay tumutula siya ay nagpapalit ng pangalan, Rio Alma. Ang kanyang mga pinakamagagandang tula ay inipon sa kalipunang tinawag na “Ang Una Kong Milenyum” kaya may joke ako na siya ang unang millennial.
Ang impluwensya ni Rio sa kabataang manunulat ay makikita sa paglitaw ng The Makatas na nagbalagtasan sa paglulunsad ng aklat at pinagdebatehan: Rio Alma (makata) vs. Virgilio Almario (kritiko). Na-on-the-spot pa ako at tinanong ukol dito, kaya napatula ako.
Dahil hindi ako masyadong mahilig sa tula, ang kanyang mga kritika ukol sa kasaysayan ng literatura ang aking ninanamnam. Malaking tulong ang mga aklat niya ukol sa panitikan nina Bonifacio, Jacinto at ni Rizal (bilang makata at bilang nobelista) sa pagtuturo at pagpapakita na ang kasaysayan ay masasalamin sa panitikan at vice versa. Pinakahuli nga sa mga kritikang ito ang “Bakit kailangan natin si Pedro Bucaneg.” Si Bucaneg (1592-1630) ang orihinal na nagrekord/sumulat ng Biag ni Lam-ang, ang kuwentong bayan ng mga Ilokano kaya naisalba ito. Si Almario ang bagong Bucaneg, kailangan natin siya dahil kung hindi natin inuugat ang sarili natin sa ating kasaysayan at kultura, hindi magiging maayos ang tingin natin sa sarili bilang bansa at hindi mabubuo ang Kapilipinuhan.
Sa hulihan ng Balagtasan, iba-ibang boses ang nagsabing “Ako si Rio Alma” at binasa ang ilang bahagi ng kanyang mga tula at naipakitang naging boses pala siya ng iba’t ibang ordinaryong Pilipino.
Mabuhay ka Sir Rio!
Source From:https://www.abante.com.ph/bakit-kailangan-natin-si-virgilio-almario.htm