Bakit ngayon pa?

2 years ago 0 Comments

Sampung libo na ang bilang ng mga Pilipinong tinamaan ng COVID19. Libu-libong pamilya ang apektado hindi lang ng sakit, kung hindi pati nang Enhanced Community Quarantine (ECQ)—maraming walang kita, dahil walang trabaho. Kabi-kabila ang mga inisyatibo ng mga ahensya ng gobyerno, pati na mga pribadong sektor para lang makatulong sa mga kababayan nating lalong nalugmok sa kahirapan dala ng pandemyang pinagdaraanan ng sanlibutan.

Kaya naman napakalaking kagulatan ang nangyari sa biglaang pag-issue ng cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa ABS-CBN. Mismong araw ng pag-utos, nagpaalam sa ere ang isa sa pinakamalaking media company sa ating bansa.

Maraming diskusyon tungkol sa nangyari. Pero ang tanong: bakit ngayon? Nasa gitna tayo ng napakabigat na krisis hindi lang sa loob ng ating bansa, pero isang pandemya na hinaharap ng buong mundo. Napakahalaga sa panahong ito ang impormasyon, lalo pa’t karamihan ay naka-quarantine sa kanilang mga tahanan—sa mga balita tayo nakasalalay para makita kung nakakabangon ba tayo bilang isang komunidad. Sa mga pag-iikot din ng mga mamamahayag natin, naririnig natin ang mga hinaing ng mga kababayang labis na nangangailangan—kaya nakakapagdala tayo ng tulong. Tapos sa kabila ng lahat ng ito, biglang-bigla, magkakaroon ng ganitong pagsasara.

Naalala ko ang usap-usapan noong Marso 10: nabanggit na mag-eextend ng provisional authority ang NTC—samantala ngayon, biglang mayroon silang nakitang dahilan (o palusot?) para bawiin ito. May sinasabi silang batas noong 1931 na nagpipigil sa kanilang mag-isyu ng provisional authority. Dalawang buwan ang nakalipas nang mag-commit ang NTC na maari silang magbigay ng provisional authority bago nila tuluyang ipahinto ang operasyon ng ABS-CBN dahil diumano sa batas na ito. Subalit, ayon sa kasaysayan ng NTC, nakapagbigay naman sila ng provisional authority sa ibang mga kompanya na nasa ganitong klaseng sitwasyon dati.

Hindi ba nakapagtataka na hindi nila pinaalam nang mas maaga na mayroon palang ganiyang klaseng balakid? Hindi ba nakapagtataka na bigla na lang parang bumaliktad sila doon sa kanilang binitawang salita? At hindi ba nakapagtataka rin kung bakit ang kanilang opinyon na pinagbabasehan ay salungat sa opinyon mismo ng ilang miyembro ng Senado at Kongreso, pati na ng DOJ? Sa gitna ng pinagdadaanan nating pandemya, kabi-kabilang isyu tungkol sa Social Amelioration Program, at ang nakasusulasok na init ngayon, mapapakamot ka na lang talaga ng ulo sa kaduda-dudang prosesong naganap para lang maipasara ang isa nating kaagapay ngayong panahon ng krisis.

Pero sa dulo, ito ang pinakapunto natin: ang sama ng timing, di ba? Maaring mag-file ng motion for reconsideration sa NTC, o magsampa ng kaso sa Korte Suprema—pero paano ka magpupunta kung sarado lahat? Paano ka mag-aasikaso ng ganitong klaseng problema, magpa-file ng kung ano-anong mga motion, maghahanap ng mga korteng bukas para tumanggap ng iyong mga petisyon? Sa panahon ng ECQ sarado ang mga opisina, limitado ang paggalaw.

Napakalaking puwang ang maiiwan sa pagsara ng isang katulad ng ABS-CBN. Ika nga ni VP Leni: “Sa ganitong panahon ng krisis at pangamba sa lipunan, nakasandal tayo sa malayang daloy ng tama at napapanahong impormasyon upang mabigyang-hugis at direksyon ang ating mga pagkilos. Sa gayong paraan, natutukoy natin kung sino at nasaan ang mga nangangailangan. Nagiging mas mabilis at makabuluhan ang ating pagtutulungan. Nakikita natin ang mga paraan ng pagtugon at pagkakaisa ng ating kapwa Pilipino—na nagpapamalas sa ating hindi tayo nag-iisa sa ganitong mga panahon.”

Kayo tanong namin, bakit ngayon?

Source From:https://www.abante.com.ph/bakit-ngayon-pa.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi