Sinusulong ng economic team ng administrasyong Duterte ang panukalang batas na Bayanihan 2 na bahagi ng Philippine Program for Recovery With Equity and Solidarity (PH-PROGRESO) na tinatawag nitong bounce back plan para maibalik ang sigla ng ekonomiya ng bansa.
Kasama sa plano ang pagbibigay ng pondo sa malalaking kompanya para makaahon sila at makapagbigay ng trabaho sa marami.
Sabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez, lima ang prayoridad ng administrasyong Duterte para pasiglain ang ekonomiya: ang pagpapabilis ng Build Build Build infrastructure program, pagkukuha sa mga tao bilang contact tracers para magkatrabaho at tulungan ang layuning labanan ang pagkalat ng COVID19 sa bansa, ang pageenganyo ng foreign investors sa pamamagitan ng pagpasa ng Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act, pagsusulong sa manufacturing ng food production at ang pagsuporta sa buong value chain ng food production.
Kung pagtulong sa mga tao sa pamamagitan ng P205-bilyong ayuda ang ginawa nuong Bayanihan 1, mga kompanya naman ang tutulungan sa Bayanihan 2 para hindi sila tuluyang mabangkarote.
Ayon kay National Economic and Development Authority acting Secretary Karl Kendrick Chua, gagamitin ang mga government banks tulad ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines para pautangin ang mga bangkong magpapautang sa private sector. Gagamitin din ang Philguarantee para may sasalo sakaling hindi mabayaran ang mga inutang.
Sabi ni Chua, plano rin ng pamahalaan na pondohan ang mga malalaking kompanya at ibababa pa ang buwis na kanilang babayaran.
Maraming mga kompanya sa turismo ang tumagilid dahil sa lockdown na ginawa para maawat ang pagkalat ng COVID19, kasama na rito ang Marco Polo Hotel sa Davao na isinara kamakailan. (Eileen Mencias)
Source From:https://www.abante.com.ph/bayanihan-2-malalaking-kompanya-pauutangin-ng-gobyerno1.htm