‘Bikoy’ lumutang, narcolist patutunayan sa Senado

4 years ago 0 Comments

LUMUTANG na kahapon si ‘Bikoy’, ang lalaking naka-hood sa serye ng viral YouTube clips na pinamagatang “Totoong Narco-list” kung saan idinadawit nito ang First Family sa sindikato ng iligal na droga sa bansa.

Sa isinagawang press conference nitong Lunes, Mayo 6, sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Ortigas, Pasig City, sinabi ni Bikoy, na may tunay na pangalang Peter Joe­mel Advincula, humihingi ito ng tulong upang magkaroon ng abogado sa pagsasampa ng kaso laban sa mga taong sinangkot niya sa video.

“Ako si Bikoy. Ako po ay tunay na tao at hindi kathang-isip lang tulad ng sinasabi ng ibang tao,” saad nito.

“Andito ako ngayon sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines upang humingi ng legal assistance. Kailangan ko ng abogado para i-submit ang aking sinumpaang salaysay at tulungan ako magsampa ng kaso laban sa mga miyembro ng sindikato na pinangalan ko sa video seryeng ‘Ang Totoong Narcolist,’ dagdag nito sa kanyang binasang statement.

Si Advincula ay lumutang ilang araw matapos madakip ng NBI si Rodel Jayme, na umamin na siyang uploader ng Totoong Narcolist.

Sa binasang statement ni Advincula, dati umano siyang nagtrabaho bilang marketing executive ng VitaPlus, franchise ng First Quadrant multilevel marketing company at Pebrero taong 2010 inilipat siya ng kanyang boss sa sindikato ng iligal na droga sa underground facility sa Misibis Bay Resort kung saan siya nagtrabaho bilang control man ng radio base at operasyon ng CCTV.

Hindi naman umano siya nagtagal sa kanyang puwesto at nalipat siya sa transmitting and facilitating team kung saan ang kanyang trabaho ay magbigay ng tara o ang umano’y monthly allocations ng drug money sa iba’t ibang personalidad.

Sa patuloy ng kanyang statement, noong 2012 ay kinasuhan si Advincula ng Estafa dahil umano sa mga dokumentong pinapirmahan sa kanya sa Vitaplus kung saan nahatulan ito ng pagkakakulong ng anim na taon at napalaya umano siya noong 2016 dahil sa magandang rekord at doon naisipang magbagong buhay at nakahanap naman siya ng ligal at mara­ngal na trabaho.

Subalit hindi nagtagal ay ginigipit na umano siya ng kompanyang pinapasukan at hanggang isang araw ay sabihan umano siya ng isa niyang kasamahan na mabuti pa umanong umalis na siya dahil nanganganib ang kanyang buhay kaya Agosto ng nakaraang taon ay nagdesisyon na umano siyang umalis at magtago.

Doon na din umano nabuo ang kanyang loob na isiwalat ang nalalaman sa sindikato ng iligal na droga, ang Quadrangle Group ng Bicol, sa tulong na din ng mga dating kasamahan.

Itinanggi naman niyang may kaugnayan siya sa kahit kaninong kandidato, lalo na sa mga kandidato ng Otso Diretso.

“Handa po ako humarap sa ano mang imbestigasyon ng Senado upang patotohanan ang lahat ng inilabas ko sa video serye.

Nauna nang sinabi ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na handa siyang imbestigahan sa Senate committee on public order and dange­rous drugs ang isyu, kung lilitaw si Bikoy.

Kinuwestyon naman ng Malacañang ang kredibilidad ni Bikoy o Advincula.
“Let’s hear him out, what he’s goin­g to say. Like what we’ve always been saying, the video is a black propaganda against the government,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.

“You lie in one, you lie in all,” diin pa niya.
Nagbanta naman ang manage­ment ng Misibis Bay Resort na kanilang kakasuhan ng cyber libel si Advincula dahil sa pagdawit sa resort sa umano’y illegal drug trade.

“Misibis Bay is a first class, family-oriented resort. It has never been used as headquarters or as front for any kind of illicit trade. Even claims that the resort allegedly uses one of its basements as a drug laboratory is false,” ayon sa statement ng kompanya.

“The false and malicious allegations of Bikoy have caused irreparable damage to the reputation and good social standing of Misibis Bay and its owners for which reason he must be held criminally liable,” dagdag pa ng kompanya. (Edwin Ba­lasa/Prince Golez)

Source From:https://www.abante.com.ph/bikoy-lumutang-narcolist-patutunayan-sa-senado.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi