BINAWIAN na ng buhay ang executive secretary ni dating Makati City Mayor Jejomar Erwin ‘Junjun’ Binay Jr. makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa tapat ng bahay nito.
Kinumpirma ito ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, aniya alas-11:12 Sabado ng gabi nang bawian ng buhay ang biktimang si Monaliza Bernardo, 44, sa Makati Medical Center.
Binawian ng buhay si Bernardo sanhi ng multiple organ failure secondary to hypovolemia secondary to blood loss mula sa tinamo nitong tama ng bala.
Una rito, binaril ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo si Bernardo sa tapat ng bahay nito sa Brgy. Olympia noong Huwebes nang gabi. Tinamaan sa kanang kamay na lumusot sa tiyan ni Bernardo mula sa kalibre 45 baril na agad naman naisugod sa naturang pagamutan.
Kabilang na sa imbestigasyon ang mga nakausap at nakahalubilo ng biktima bago ang pamamaslang dito.
Kaugnay nito, naglaan na ng P1 milyon pisong pabuya ang ama ng dating alkalde na si dating bise presidente Jejomar Binay para sa anumang impormasyon na magtuturo sa mga nasa likod ng krimen. (Armida Rico/Shiela Marie Paderan)
Source From:https://www.abante.com.ph/binaril-na-secretary-ni-junjun-binay-pumanaw-na.htm