PANSAMANTALANG isinantabi ng iba’t ibang bayan sa buong Maguindano ang magkakaiba nilang pananaw at opinyon makaraang magkaisa na ikampanya ang pambato nilang gobernador kung saan naging saksi ni dating Sen. Bong Revilla.
Mahigit sa 70 porsiyento mula sa 31 munisipalidad sa buong Maguindanao ay nagsama-sama sa Munisipalidad ng Datu Odin Sinsuat upang magkaisa sa pag-eendorso kay Bai Mariam Sangki Mangudadato bilang gobernador ng Maguindanao.
Sa napakasagradong pagsasama-sama ng mga ito ay isa si Revilla na naimbitahan upang magsalita sa mahigit 5,000 katao na taimtim na nakinig habang inilalatag ni Revilla ang plano niya sakaling mabalik sa Senado.
Binigyang-diin ni Revilla na susuportahan niya na matuloy ang pensiyon para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na magreretiro sa trabaho at magkaroon ng eksklusibong pagamutan para hindi magmukhang kawawa ang mga kababayan nating tinatawag pa namang bayani sa makabagong panahon.
Idinetalye rin ni Revilla ang disenteng pasuweldo para sa mga manggagawa, nurses, teacher at barangay workers na karaniwan ay nagtutungo sa ibang bansa dahil sa kawalan ng asenso sa kani-kanilang trabaho.
Source From:https://www.abante.com.ph/bong-revilla-bet-ng-mga-lider-ng-maguindanao.htm