Sinagot ni Cavite Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang mga banat ni dating action star Robin Padilla sa ipinarating na kahilingan ng gobernador kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan din ng ayuda ang mga taxpayer na nabibilang sa middle class ng lipunan.
Ayon kay Remulla, hindi niya kayang tapatan ang ginagawa ni Padilla sa pelikula dahil matanda na siya at makunat na ang buto pero pagdating sa serbisyo publiko ay tinitiyak niya sa mga tao na “ipaglalaban ko sila hanggang kamatayan.”
Pakiusap na lang ng gobernador sa aktor, huwag nang umepal dahil hindi naman siya nakatutulong sa karaingan ng taumbayan.
“Please don’t waste the people’s time by engaging in talk that does not help. People are suffering. They are hungry. They are insecure about what the future brings. The least we can do is to give them hope of surviving another day and give them the sincerity of service that they expect.” litanya ng gobernador sa kanyang pinost sa Facebook nitong Martes ng hatinggabi.
Nagpaliwanag naman si Remulla kung bakit hindi siya agad nakasagot sa patutsada ni Padilla dahil sa “buong araw po kami naghahanda para sa mass testing ng mga aking kababayan sa Cavite kasama na rin ang aming mga kapitbahay sa Laguna, Quezon, Batangas at Rizal.”
Aniya, inako na ng Cavite ang pagpasa sa paglaban sa COVID-19 sa Region 4-A. Sa limang lalawigan ng rehiyon ay halos 4,000 na ang persons under investigation, 300 ang nagpositibo at halos 50 na ang namatay. Sa rehiyon, 19 milyong buhay ang apektado ng enhanced community quarantine kaya “araw gabi ay wala ng inisip ang mga kapwa ka-rehiyon ko kungdi, saan kukuha ng makakain, at paano makakaligtas sa Covid-19.”
“Nakakalungkot na minasama mo ang aking panawagan sa ating pangulo. ‘Pag nasa realidad na buhay ka ay durugo ang puso mo para sa mga nahihirapan,” bahagi ng post ni Remulla.
“Wala pong take-two sa krisis sa Covid. Pag ikaw ay tinamaan ng matinde ay pack-up shooting na ang buhay mo. Kaya araw-araw, solusyon na praktikal sa problemang radikal ang aming hinahanap,” patutsada pa ng gobernador sa aktor.
Nilinaw pa ni Remulla na hindi niya intensyon na makadagdag sa problema ni Pangulong Duterte dahil alam niyang nasa balikat nito ang bigat ng problema ng higit sa 100 milyong Pilipino.
“Ngunit di ko rin naman kayang talikuran ang kahirapan sa aming mga lansangan. Kailangan bigyan ng boses ang walang kakayahan pumasok ng malacañang.” katuwiran niya.
Nauna rito ay nag-post sa Instagram si Padilla at nilektyuran si Remulla sa hirit nitong mabigyan din ng P5,000-P8,000 cash aid ang mga middle class ng ating lipunan.
“Sir Governor alam ni mayor PRRD ang ginagawa niya hindi puedeng sabay sabay sa isang bagsakan dahil limitado rin ang resources ng bansa wala pa tayong collection ng tax.” ayon sa post ng aktor.
“Dahil un ang inuna ng administration suspended ang pagbabayad ng TAX ng WORKING CLASS yun pagkasa ng pangulo sa mga oligarchs yun malinaw yun na para sa mga middle class pero ngayon sa pagharap natin sa digmaan laban sa kalaban na hindi nakikita.” bahagi ng post ng aktor.
Source From:https://www.abante.com.ph/buwelta-ni-gov-jonvic-kay-robin-di-ka-nakatutulong-sa-bayan.htm