ISANG retiradong police general ang tinanggal sa trabaho sa Clark Development Corporation (CDC) dahil sa ginawang pag-aresto ng kanyang mga tauhan sa anak ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde.
Nabatid na tinanggal ni retired police general Ramsey Ocampo, vice president for security ng CDC, si retired general Romeo Ver, manager ng Public Security Department.
Nag-ugat ito sa ginawang pagdakip ng CDC Police sa binatang anak ni Philippine National Police Chief General Oscar Albayalde at ang police security nito habang nakaparada ang sasakyan nito sa CDC parade ground Martes nang umaga.
Si Kevin Albayalde at ang hindi pa kilalang police security nito ay agad dinala sa tanggapan ni Ver.
Nagpakilala umano si Kevin na anak ito ng PNP Chief subalit hindi siya pinakinggan ng mga tauhan ng CDC Police at sa halip ay dinisarmahan pa ng mga ito ang kanyang police security bago dinala sa tanggapan ni Ver.
Nabatid na napagkamalan umano na isang Chinese national si Kevin nang arestuhin ito dakong alas-nuwebe nang umaga. Batay sa nakalap na impormasyon, pinagmumura diumano ni Ver si Kevin at ang mga police security nito habang sila ay iniimbestigahan.
Habang sinusulat ang balitang ito ay tumangging magbigay ng pahayag sa media ang Pampanga Provincial Police at CDC Public Safety Department. (Rudy Abular)
Source From:https://www.abante.com.ph/cdc-official-sibak-sa-pagmura-sa-anak-ni-albayalde.htm