BINUWELTAHAN ng Otso Diretso candidate na si Atty. Chel Diokno si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagmamayabang nito na malaki ang kaniyang “pagkalalaki” habang nilalait nito ang mga kandidato ng oposisyon.
Matapos tawaging pangit si Diokno sa isang campaign rally sa Palawan, sinabi ni Duterte na tunay na sukatan ng pagiging lalaki ay ang laki ng ari nito—at dahil dito ay pasado siya.
Hirit naman ng iginagalang na human rights lawyer kung tunay nga siyang lalaki ay panindigan niya ang teritoryo ng Pilipinas at mga karapatan nito, sa gitna ng pangangamkam ng China sa West Philippine Sea.
“Sir, ‘wag mo po ako idamay sa kabastusan mo. Kung may ‘ipagmamalaki’ ka talaga, ipakita mo kaya sa China,” wika ni Atty. Chel sa isang post sa kaniyang Twitter account.
Isa si Diokno sa mga paboritong banggitin ng Pangulo sa kaniyang mga talumpati nitong kampanya. Bagama’t tampulan ng panlalait ni Duterte, pabirong nagpapasalamat ang beteranong abogado para sa libreng airtime na binibigay ng Pangulo, at nanawagan siya rito na tutukan ang mga isyung kailangan niyang harapin.
Tapat sa kaniyang adbokasiya, kasama si Atty. Chel sa mga nagmartsa sa harap ng Chinese Consulate nitong Martes, Araw ng Kagitingan, upang iprotesta ang pang-aangkin ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas, at ang panggigipit sa mga mangingisda dito.
“Panahon na para manindigan tayo. Panahon na para ipaalam kay Duterte at pati diyan sa Tsina na atin ito. Ang Pilipinas ay para sa Pilipino,” wika niya. (Aries Cano)
Source From:https://www.abante.com.ph/chel-kay-duterte-ipakita-ang-tapang-sa-china.htm