MAYNILA – Nanawagan ang Simbahan nitong Huwebes na ipanalangin ang pag-ulan sa gitna ng kakulangan ng tubig sa maraming parte ng Metro Manila.
“Let us together storm heavens with our supplication, that God’s mercy be upon us and send us the rain we need,” ani Cardinal Luis Antonio Tagle ng Maynila sa isang liham sa mga parokya sa Maynila.
“And so we implore the Master of all creation, God, our Father, at whose command the winds and the seas obey, to send us rain."
Ayon kay Tagle, isasama ang panalangin sa prayers of the faithful sa mga misa sa Archdiocese ng Maynila.
Narito ang buong panalangin sa Filipino:
"Hilingin natin sa Panginoon na ipagkaloob ang biyaya ng ulan na siyang matinding pangangailangan lalo na sa Luzon ngayon upang ang pinsala sa mga pananim at kabuhayan at ang napipintong krisis sa tubig ay maiwasan. Manalangin po tayo.
Ngayong panahon ng krisis, himukin nawa ng Panginoon ang ating mga puso upang matutong magbahagi sa ngalan ni Hesus at mamulat sa ating pananagutan sa kapwa, sa kalikasan, at sa lahat ng biyayang ipinagkatiwala sa atin. Manalangin tayo."
Nakararanas ng water shortage ang mga konsumer ng Manila Water dahil sa pagbaba ng water level sa emergency source nitong La Mesa Dam bunsod ng kakulangan ng pag-ulan at mataas na demand.
Sa abiso ng Manila Water, makararanas ng water interruptions ang kanilang mga kliyente ng 6 hanggang 21 oras araw-araw.