ARESTADO sa isang entrapment operation ang isang dating television host at live-in partner nito dahil sa pagbebenta umano nito sa online ng overpriced thermal scanner sa loob ng isang kilalang suspermarket sa Carmona, Cavite.
Kasong paglabag sa Section 5 (2) ng RA 7581 (The Price Act), RA 7394 (THE CONSUMER ACT); at RA 11469 (Bayanihan to Heal as One Act), all in relation to Section 6 ng RA 10175 (Online Selling of Overpriced Medical Supplies) ang isinampa laban kina Tristan Joy Calipo, 35, isang BPO Analyst at sinasabing dating TV Host, at live-in partner nitong si Jefferson Castillo, 36, isang grab driver at kapwa residente ng 41B A. Mabini St., West Rembo, Makati City.
Sa ulat ni Corporal Luciano Cortes, ng Carmona Municipal Police Station, dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng CRT1- Regional Anti Cyber Crime Unit (RACU)4 na siyang lead unit at Carmona MPS sa labas ng Puregold Carmona sa Brgy. 8, Carmona, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa.
Bago ikinasa ang entrapment operation, isang awtoridad ang nagpanggap na bibili sa online at nang nagpositibo na overpriced ang nasabing mga thermal scanner ay ikinasa ang operasyon at nagkita sa nasabing lugar.
Narekober sa kanila ang 20 kahon ng JZIKI Medical Infrared Forehead Thermometer na gawang China at walang ICC sticker na nagkakahalaga ng P4,5000 kada piraso o kabuuang halaga na P90,000; 21 disposable facemask na gawang China at nagkakahalaga ng P1,100/box o kabuuan na P23,000, official receipt na inisyu ng suspek, isang gray na Mitsubishi Adventure na may sticker ng HPG at “Medical Supplies Do Not Delay”, mga quarantine pass at dalawang cellphone.
Ang nakumpiskang halaga ng overpriced at mga unregistered na medical supplies ay umabot sa P113,000.
Ang liver-in partners ay kasalukuyang nakakulong sa Carmona Custodial center. (Gene Adsuara)
Source From:https://www.abante.com.ph/dating-tv-host-dyowa-dakma-sa-pinalobong-presyo-ng-medical-supply1.htm