Dear Atty. Claire,
Hihingi lang po sana ng opinyon na kung puwede bang mapawalang-bisa ang notoryadong Deed of Sale?
Meron po akong maliit na lupa na binigay sa akin ng aking ama noon nabubuhay pa siya. Ang lupa po ay bigay rin lang sa kanya sa bisa ng proklamasyon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Binili po ng kapitbahay namin ang 3.0 x 6.0 (18 sqm) para daw po sa Right of Way nila at gagawing paradahan ng bibilhin nilang sasakyan.
Pumayag ang aking ama na ipagbili sa kanila ang parte ng lupa sa pamamagitan ng Deed of Sale na pirmado ko at ng aking ama at sa usapang sila ang magpapalipat at magaayos ng mga kaukulang proseso (walang kasulatan). Noong araw na nag-uusap-usap kami ay ‘di po namin alam na ang right of way pala nila ay nasa likurang bahagi ng kanilang lote at ang nabili nilang sasakyan sa ngayon ay laging nakaparada lang sa makitid na daan papasok sa aking property.
Ang pinaka problema ko po ngayon, ang lupang binili nila ay ako pa rin ang nagbabayad ng amilyar taon-taon at wala silang ibang pinanghahawakang dokumento kundi ang Deed of Sale lang na iyon. ‘Di po naasikaso ang pagpapalipat ng nasabing sukat ng lote sa kanilang pangalan at maisama sa original na sukat ng lote nila.
Paano po ba ng dapat kong gawin para maibalik na lang sa akin muli ang kapirasong lupa na yon.
Lubos na gumagalang at nagpapasalamat.
Bong
Mr. Bong,
Sa ngayon ay wala ka nang magagawa upang mabawi ang usapan tungkol sa bentahan ng kapirasong lupa ninyo dahil iyan ay matagal ng napagkasunduan. Ang kontrata na ginawa ng boluntaryo ay siyang batas na susundin ng mga taong nagkasundo at pumirma sa kasunduan.
Kahit sabihin mo na may right of way na siyang iba ay hindi mo magagamit ang katwirang iyon dahil nagkaroon kayo ng bentahan. Iba ang sitwasyon kung libre ang pagpapagamit mo ng parte ng lupa po para sa kanyang right of way.
Ang maaari mo lamang gawin ay mag “demand” ka ng partition para hindi ka maobliga ng bayaran ang parte na siya na ang gumagamit. Singilin mo rin ang share niya sa amilyar kaugnay sa 18 sqm at kapag hindi siya nagbayad ay maaari mo siyang ireklamo para sa collection of sum of money na may kasama nang legal interest na 1% kada buwan.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag email sa [email protected]
Source From:https://www.abante.com.ph/deed-of-sale-gustong-ipawalang-bisa.htm