Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga politikong nanawagan na pakawalan ang 21 inarestong residente ng Quezon City noong Miyerkoles na nagwelga dahil sa hindi natatanggap na pagkain mula sa barangay at lokal na pamahalaan ng lungsod.
Bagaman walang binanggit na pangalan ng politiko si Pangulong Duterte, si Mayor Joy Belmonte ang unang nakiusap sa Quezon City Police District na pakawalan ang mga inarestong residente ng lungsod.
Ayon sa Pangulo, marapat lang na makulong ang mga residente na mga miyembro umano ng grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap).
“Kayong mga Kadamay, hindi – walang, wala ng awa-awa. Diyan na kayo. Ang nahuli, wala”diin ng Chief Executive sa nationwide televised message nitong Miyerkoles nang gabi.
Aniya, imbes na maging modelong opisyal, tila kinukunsinte pa ng politiko ang panawagan na pakawalan ang mga inaresto.
“I will not tolerate ‘yang sabihin mo na bitawan mga politiko, bitawan. Do not play hero at this time because you would abet or is it that word – to encourage people to violate the law,” wika ni Duterte.
“Now is the time to set an example to everybody. Hindi kasi ako sanay ng takut-takutin mo. Not me” dagdag pa niya sa mga makakaliwang grupo.
Sinabihan na ng Pangulo ang mga pulis at militar na barilin ang mga makakaliwang grupo na manggugulo habang umiiral ang enhanced community quarantine.
Source From:https://www.abante.com.ph/digong-kay-mayor-joy-huwag-umepal-sa-mga-inarestong-kadamay.htm