NASASAGAD na ang pasensiya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga problemang kinakaharap ng bansa kung kaya’t nagbitaw na ito ng babala na magdedeklara ng rebolusyon laban sa mga pasaway sa lipunan.
Ito ang paniwala nina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa ipinahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa annual convention ng Prosecutors League of the Philippines na kanyang sususpindehin ang writ of habeas corpus at ipapaaresto ang mga pasaway sa lipunan katulad ng mga sangkot sa krimen, droga, rebelyon at iba pang iligal na gawain.
Sabi ni Sotto, walang dapat ikabahala sa naging pahayag ng Pangulo at naniniwala ang senador na malaki lamang ang frustration nito sa mga nangyayari sa bansa.
“He is just frustrated. I’m sure he will have a better outlook once his programs vs criminality becomes more successful. Suspension of the writ has proper constitutional safeguards while a revolutionary war is a metaphor,” diin ni Sotto.
Naniniwala rin si Lacson na hindi gagawin ng Pangulo ang pagdedeklara ng suspensiyon ng writ of habeas corpus at revolutionary war.
“He will not do it because he is too smart and intelligence to know he cannot do it,” ani Lacson.
Robredo handang mag-takeover
Ipinahayag naman ng kampo ni Vice President Leni Robredo na nakahanda itong mag-takeover sa pagpapatakbo ng gobyerno sakaling magdeklara ng revolutionary government ang Pangulo.
Sinabi ni Otso Diretso senatorial bet Romulo Macalintal na sakaling ideklara ng Pangulo ang revolutionary government ay awtomatikong malalagay si Robredo bilang pangulo.
Sinabi ni Macalintal na ito ang dapat na mangyari alinsunod sa 1987 Constitution.(Dang Samson-Garcia/Anne Lorraine Gamo/Aries Cano)
Source From:https://www.abante.com.ph/digong-nagbanta-ng-rebolusyon-sa-mga-pasaway.htm