MAYNILA – Nanindigan si Health Usec. Ma. Rosario Vergeire nitong Martes na inilalabas ng ahensya ang lahat ng datos ukol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Tugon ito sa Facebook post ni Vice President Leni Robredo, kung saan sinabi niyang nakalulungkot ang aniya'y "attempt to mislead people and sugarcoat the truth" kaugnay ng nilabas ng DOH na pagbaba ng positivity rate mula sa 22 percent noong Abril, sa kasalukuyang 8 percent.
Ayon kay Robredo, ang binanggit na 22 percent positivity rate ay naitala para lamang noong Abril 3 at hindi ito ang average positivity rate noong buwan ng Abril. Dagdag niya, mahigit 2,000 tests lamang ang nagawa noong Abril 3 kaya't talagang mataas ang magiging percentage.
Paliwanag ni Vergeire, Abril 3 nang makapagtala ang DOH ng 22.19 percent positivity rate, habang 10.9 percent ang cumulative positivity rate noong Abril 30.
Noong Hulyo 23, 12.1 percent naman ang positivity rate, at 8.8 percent cumulative positivity rate.
"Gusto lamang po namin ipakita na mayroon na po pagbabago in terms of testing capacity. Kaya po bumababa ang numerong ito dahil nagkakaroon na po tayo ng mas maraming laboratoryo sa bansa na maaaring makagawa na po ng test," paliwanag ni Vergeire.
Dagdag ni Vergeire, naglalabas ang DOH ng global parameters bilang basehan kung sapat ang pag-control ng COVID-19 sa bansa.
"Wala pong intensyon ang Kagawaran ng Kalusugan na linlangin ang mga tao sapagkat nilalabas naman po namin ang mga mahahalagang datos na maaaring gamitin para sa analysis," aniya.
Nasa 10.9 percent ang naitalang positivity rate ng bansa noong Hulyo 26, kung saan 2,491 ang COVID-19 positive mula sa 22,944 na ginawang tests.