HINDI akalain ng isang driver na ang minamaneho mismo nitong truck ang kikitil sa kanyang buhay makaraang aksidente itong umabante at maipit ang biktima na noo’y nakatayo sa harap nito sa Barangay Poblacion, San Juan, Batangas kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Raymund Añora, 36-anyos, residente ng Barangay Concepcion, Batangas City.
Batay sa report ng San Juan police, nangyari ang insidente habang nakatayo ang biktima sa unahan ng kanyang nakahintong truck na nakaparada sa pababang bahagi ng kalsada.
Dito’y bigla na lamang umanong umarangkada ang kargadong trak at nasalpok ang biktima hanggang sa maipit ito sa konkretong pader.
Agad isinugod ang biktima sa San Juan Doctor’s Hospital matapos na ito ay maalis sa pagkakaipit subalit idineklara na itong dead on arrival ng doktor dahil sa grabeng pinsala sa ulo at katawan. (Ronilo Dagos)
Source From:https://www.abante.com.ph/driver-sinuwag-ng-nag-alburutong-trak.htm