MARAMI na ang pumupuna hinggil sa umano’y kapalpakan ni Health Secretary Francisco Duque sa pagharap ng problema ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak sa bansa.
Bukod pa rito ang panawagan ng marami na dapat magkaroon ng transparency sa isyu ng pagkalat ng coronavirus sa bansa.
Lumutang ang panawagang ito matapos magpositibo sa coronavirus ang Australian matapos ang pagbisita sa Pilipinas at sa pagtatago ng ibang impormasyon hinggil sa tatlo pang nagpositibo sa virus.
Kahapon, sinabi ni dating Presidential Spokesman Edwin Lacierda na maaaring hindi gumawa ang DOH ng protocol sa reporting ng tinamaan ng coronavirus.
Ito’y matapos banatan ni Duque ang Cardinal Santos Medical Center (CSMC) sa San Juan City dahil nakiusap daw ang management na huwag babanggitin ang pangalan ng ospital na siyang pinagdalhan ng pasyente bago dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa, pero sila rin pala ang mag-aanunsyo nito.
“From the outside looking in, the exchange between DOH & CSMC appears to highlight the absence of DOH crisis comms protocol. Had DOH had clear existing protocols set out early on, CSMC would not have requested but immediately followed protocols right out,” tweet ni Lacierda.
Binanggit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na pinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang magkaroon ng transparency sa sitwasyon ng coronavirus outbreak sa bansa, pero tila hindi ito sinusunod ng kalihim ng DOH.
“Sinabi ng Pangulo na dapat may transparency dito at iyon ang utos ng Pangulo at iyon ay sang-ayon sa Saligang Batas na dapat may transparency sa gobyerno. Dito nagkakaroon ng conflict kung sino ang dapat mag-report at dapat bang i-report,” ani Drilon.
“Sa akin, the public should be informed. Iyon ang tungkulin ng pamahalaan sa taumbayan. Ang sabi nga ng Pangulo, transparency. Ang kailangan lang itago rito ay ‘yong private information (pangalan) dahil sa stigma, kung ikaw ay tinamaan ng COVID-19. There must be respect of private information,” dagdag pa niya.
Nagtataka rin ang senador kung bakit hindi pa naglalabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang DOH sa Republic Act 11332 o ang ‘Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act’ na sinusunod sana ngayon sa problema ng coronavirus outbreak.
Public health emergency puwede kung may banta sa seguridad Kinuwestiyon din ni Drilon ang rekomendasyon ni Duque kay Pangulong Duterte na magdeklara ng state of public health emergency.
Maaari lang umanong magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng public health emergency kapag naging banta na sa national security ang COVID-19.
“The law says that when the same threatens national security, the President shall declare a state of public health emergency and mobilize government and non-governmental agencies to respond to the threat. So only in cases where the epidemic threatens national security,” sabi ni Drilon sa panayam sa dzBB.
Matutukoy naman aniya ng Presidente kung ang isang epidemiya ay isa nang banta sa national security o hindi dahil sa dami ng impormasyon na nakakarating sa kanya.
Nilinaw naman ni Drilon na kahit ideklara ang state of public health emergency, kailangan pa rin dumaan sa bidding o regular procurement process ang pagbili ng gamot ng DOH.
“Walang nakalagay sa batas na ipagtabi natin o balewalain natin ‘yong procurement laws. May bidding pa rin ‘yan,” sambit nito.
Nananawagan din ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa DOH na maging transparent sa isyu ng COVID-19 pati na sa kakayanan nito at monitoring para maiwasan ang panic.
Binalaan din ng Pamalakaya ang DOH laban sa paggamit sa COVID-19 bilang dahilan para yurakan ang karapatan ng mga tao sa isang demokrasya na magtipon-tipon.
Walang tinatagong impormasyon— Duque
Mariin namang itinanggi ni Duque na may tinatago silang impormasyon sa coronavirus.
“Huwag naman kaming sisisihin na parang meron kaming itinatago. Hindi po ganoon ang hangarin namin. Wala kaming makukuha para gawin ‘yan, kundi sila (CSMC) rin naman ang nakiusap,” paliwanag ni Duque kung bakit hindi nila isiniwalat na unang dinala sa Cardinal Santos hospital ang ika-limang nagpositibo sa COVID-19.
Ang pagdeklara ng state of public health emergency ay magiging laman ng executive order na ilalabas ni Pangulong Duterte ngayong Lunes, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo. (Dindo Matining/Eileen Mencias/Prince Golez)
Source From:https://www.abante.com.ph/duque-palpak-sa-virus-outbreak.htm