MAYNILA – Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang public address na inere nitong Martes ng umaga na pinapayuhan siya ng doktor na iwasan na ang pag-iinom.
Ito ay dahil malapit na umano sa Stage 1 cancer ang kasalukuyan niyang Barrett's esophagus.
Matatandaang una nang inamin noon ng Pangulo sa kaniyang mga nakaraang talumpati na mayroon siyang myasthenia gravis, Buerger’s disease, acid reflux, Barrett’s esophagus at spinal issues.
“Matagal na kami sa gobyerno, magpa-retire na lang, bakit pa namin pagsayangan? Kakaunting panahon na lang ang naiwan so walang — walang — walang ganang — wala nang ganang kumain," aniya.
“May pera ka naman, hindi ka na makakain kay sabi ng doktor huwag kang kumain ng taba kasi mamatay ka. Ikaw Duterte, huwag ka nang uminom kasi ‘yang Barrett mo nearing Stage 1 ka sa cancer. So hindi na rin."
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mabuti naman ang kalagayan ng Pangulo ngayon.
Pinabulaan din nito ang kumalat kamakailan lang na mga balitang lumipad ang Pangulo patungong Singapore para sa isang emergency treatment.
Ilang petisyon ang naihain na sa Korte Suprema para maisapubliko ang medical records ng Pangulo para malaman kung nasa tamang kondisyon ba siya para pamunuan ang bansa, pero hindi ito kinakatigan ng mataas na hukuman dahil umano sa kawalan ng matibay na basehan.