HINATULAN ng anim hanggang walong taon na pagkabilanggo ng Sandiganbayan at pinagbawalan na rin humawak ng anumang posisyon sa gobyerno si dating Laguna Governor Emilio Ramon ‘ER’ Ejercito matapos mapatunayang guilty sa maanomalyang insurance deal noong 2008.
Batay sa desisyon ng Sandiganbayan 4th Division, nagkaroon ng “gross inexcusable negligence” sa panig ni Ejercito at walong iba pang local official ng Pagsanjan, Laguna nang pumasok sila sa kasunduan sa First Rapids Care Ventures nang walang isinasagawang public bidding.
Si Ejercito ay dating alkalde ng Pagsanjan bago naging gobernador ng Laguna.
“After a personal, independent, and judicious review of the records… the Court finds that probable cause exists for the issuance of the warrant of arrest against the accused,” batay sa inisyung minute resolution ng Sandiganbayan 4th Division na may petsang Marso 31.
Inakusahan si Ejercito na nakipagsabwatan sa kanyang municipal vice mayor at mga konsehal ng Pagsanjan para dayain ang memorandum of agreement sa FRVC para sa ‘accident protection’ at ‘financial assistance ng mga turista at mga bangkero sa Pagsanjan tourism zone na sinasabing hindi sumailalim sa bidding.
Sa ngayon, pinayagan siyang maglagak ng dagdag na P30,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya sa harap ng intensyong iapela ang hatol ng anti-graft court.
Ang desisyon ay nilagdaan nina Associate Justice Jose Hernandez, Associate Justices Alex Quiroz at Geraldine Faith Econg.
Magugunitang una nang nagpahayag ng ‘not guilty’ si Ejercito kaugnay sa isinampang graft case laban sa kanya dahil sa sinasabing maanomalyang ‘tourism insurance package’. (Dolly Cabreza/Riz Dominguez)
Source From:https://www.abante.com.ph/er-ejercito-kulong-ng-8-taon-sa-scam.htm