Napilitang bumalik sa paliparan ang isang Saudia Airline flight makaraang malaman na isa sa kanilang pasahero ang naiwanan ang baby sa terminal.
Nakaalis na umano ang eroplano, may flight number na SV832, mula sa King Abdul Aziz International Airport sa Jeddah at patungo sana sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Sabado nang gabi, pero hiniling umano ng isang pasahero na bumalik dahil naiwan pala ang kanyang anak.
Kumalat sa social media ang video ng naging usapan ng piloto at ng air traffic controller.
“This flight is requesting to come back… a passenger forgot her baby in the waiting area, the poor thing,” maririnig na sinabi ng piloto. Pinaulit pa ito ng hindi makapaniwalang air traffic controller dahil unang beses umano itong nangyari.
Dahil sa insidente nakapagtala ng 54 minutong pagka-delay sa biyahe.
Sa isang ulat, iginiit umano ng ginang na iniwan niya sa pangangalaga ng isa pang anak ang baby, hindi pa malinaw kung ilang taon ngunit nagkamali ito ng nasakyang bus sa terminal kaya naman hindi nakasakay sa kanilang flight. Nang malamang hindi nakasakay sa eroplano ang dalawa, pinilit ng ginang na bumalik upang makita ang mga ito.
Source From:https://www.abante.com.ph/eroplano-bumalik-sa-airport-dahil-sa-naiwang-baby.htm