Nagpalabas ng P100 bilyon ang Department of Budget and Management (DBM) para magamit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang social amelioration program, alinsunod sa Republic Act No. 11469 o “Bayanihan to Heal as One Act.”
Ang pondo ay ipapamahagi sa 18 milyong mahihirap na pamilyang apektado ng pinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon at iba pang panig ng bansa.
Ayon sa DBM, ilalabas nila ang karagdagang pondo oras na ma-liquidate na ang unang ni-release na P100 bilyon.
Upang magkatugma sa ibang social amelioration program ng gobyerno, binalangkas ang Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1, series of 2020 o ang “Special Guidelines on the Provision of Special Amelioration Measures to the Most Affected Residents of the Areas under Enhanced Community Quarantine.
Magkatuwang itong binuo ng DBM, DSWD, Department of Agriculture, Department of Finance, Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry at Department of Interior and Local Government.
Nitong Miyerkoles ng gabi ay umapela si Pangulong Duterte sa publiko na magtiis muna sa konting delay ng paglalabas ng cash aid, pero tiniyak niyang hindi mamamatay sa gutom ang mga mahihirap na pamilya.
Source From:https://www.abante.com.ph/eto-na-ang-pera-dbm-naglabas-ng-p100b-para-sa-dswd.htm