Arestado ang isang dating policewoman sa umano’y pangongotong matapos ang isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Pasay City.
Kinilala ni IMEG Director Police Col. Ronald Lee ang nadakip na suspek na si dating Police Staff Sgt. Beverly Banan, dating nakadestino sa Police Regional Office (PRO) 1 Regional Human Resource and Doctrine Division bago ito nasibak sa serbisyo noong 2013.
Ayon kay Lee, ang modus ng suspek ay alukin ang isang pulis ng halagang mula P40,000 hanggang P80,000 kapalit ng mabilis na pagproseso ng recruitment, re-assignment at promosyon ng isang pulis.
Dakong alas-3:25 ng hapon kamakalawa ay isang pulis na nagpanggap na kliyente ng suspek at bitbit ang halagang P49,000 boodle money ang nakipagkita sa suspek sa isang fastfood chain sa Pasay City.
Matapos na tanggapin ang P49,000 na boodle money ay agad inaresto ang suspek ng mga tauhan ng IMEG na nakapaligid na sa lugar at nakuha dito ang P1,000 entrapment money gayundin ang boodle money.
Sa ngayon ay himas-rehas na sa tanggapan ng IMEG ang suspek sa Camp Crame habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito. (Edwin Balasa)
Source From:https://www.abante.com.ph/ex-lady-cop-arestado-sa-pangongotong.htm