Nasangkot sa ilang aksidente ang mga air-conditioned na jeepney na iniendorso ng pamahalaan, sinabi ng isang lokal na samahan ng mga jeepney driver na muling nanawagan ngayong Huwebes na muling makapasada.
Kabilang sa mga aksidenteng ito ang isang jeep na umusok at biglang nagliyab sa Commonwealth Avenue, Quezon City at isa pa na tumaob, ani Efren De Luna, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).
Nagkakahalaga aniya ng nasa P2.5 milyon ang mga naturang fuel-efficient na jeep. May lokal aniyang mga manufacturer na kayang gumawa ng mga kaparehong jeep nang nasa kalahati lang ang presyo, ani De Luna.
"Kung sakaling dito gagawin sa atin iyan, kayang-kaya naman ng mga manufacturer natin iyan at mura pa ang halaga, sumunod naman tayo sa standard, maraming po ang magkakaroon ng pagkakataon na mga walang hanapbuhay dito sa atin," sabi niya sa panayam ng TeleRadyo.
Mula pa noong Marso hindi nakakabiyahe ang mga tradisyunal na jeepney dahil sa mga lockdown para pigilan ang pagkalat ng coronavirus pandemic.
Kasunod nang pagluluwag ng mga naturang lockdown, maaari nang makabiyahe ang mga "roadworthy" traditional jeepneys sa Metro Manila simula Biyernes, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Gayunman, upang payagang makabiyahe, sinabi ni De Luna na kailangan magsumite ng affidavit ng mga jeepney driver na papayag silang i-surrender ang kanilang prangkisa at bumuo ng korporasyon sa Disyembre upang makasunod sa public utility vehicle modernization plan ng gobyerno.
"Anong alam namin sa korporasyon?" hinaing ng transport leader.
"Ang katayuan natin parang ABS-CBN saka iyong tradisyunal jeepney. Para bang hinahanapan tayo ng butas paano tayo mawala nang tuluyan," dagdag niya.
Kasalukuyang dinidinig ng Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN Corp. para sa panibagong prangkisa. Halos 2 buwan na mula nang ipatigil ng pamahalaan ang free TV at radio broadcast ng network.
TeleRadyo, Hulyo 1, 2020
Ang news.abs-cbn.com ay ang official news website ng ABS-CBN Corp.