Tinatayang mahigit kumulang sa limang kilo ng processed pork product ang kinumpiska sa isang ginang na uuwi sa kanilang lalawigan habang papasakay sa provincial bus sa Araneta City Bus Station sa Cubao Quezon City, nitong Biyernes ng hapon.
Nang dumaan sa inspeksyon ang pasaherong ginang na nagpakilala lamang bilang Aling Francia, nadiskubre ang processed meat ng security personnel ng terminal na nakasilid sa dalawang kahong dala nito na papunta sana ng Bicol
Dahil dito ay kinumpiska ng guwardiya ang marinated pork at longganisa na ayon kay Aling Francia, ay pasalubong at pagsasaluhan sana ng kaniyang pamilya.
Aniya, hindi niya alam na bawal palang magdala ng processed, fresh at frozen pork products na una nang inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na ipagbabawal muna sa mga terminal habang may mga kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa
Kinumpiska lang ang mga dalang pork product saka pinayagan nang bumiyahe ang nasabing ginang.
Ito ang unang pagkakataong may nakumpiskang ipinagbabawal na ‘processed meat’ sa Araneta City Bus Station mula nang magsimula ang uwian para sa Undas ngayong linggo.