PINANINDIGAN ng Malacañang ang pagdistansya sa iringan sa pagitan ng mga senador at kongresista kaugnay sa kinalikot na 2019 national budget.
Sa harap ito ng panawagan ng ilang mambabatas na mamagitan na si Pangulong Rodrigo Duterte para mapirmahan ang enrolled bill ng 2019 national budget.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nagsalita na ang Pangulo na hindi ito manghihimasok sa panloob na isyu ng Kongreso at dapat lutasin ng mga ito ang kanilang hindi napagkakasunduan sa pambansang budget.
“It won’t. Well, the President is not making any move. His last statement was, ‘solve it on your own,’” ani Panelo.
Nanawagan si Senate Majority Leader Miguel Zubiri sa Malacañang na “i-pressure” ang mga mambabatas sa Kamara para matuldukan na ang problema sa national budget, habang hiniling naman si Congressman Alfredo Garbin kay Pangulong Duterte na mag-isyu ng matapang na pahayag para magising ang mga nagmamatigas na mga senador at kongresista.
Tumanggi si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na lagdaan ang enrolled bill ng 2019 budget matapos mabisto na pinatungan ito ng P95 billion pork kahit matapos ratipikahan ang bicam report ng Senado at Kamara.
Samantala, sinabi naman ni Senador Loren Legarda, chair ng Senate committee on finance, na makikipagpulong ito sa counterpart ng Kamara ngayong Lunes, Marso 25, para maresolba sa huling pagkakataon ang isyu sa budget.
Source From:https://www.abante.com.ph/gloria-tinabla-ni-digong-sa-dagdag-pork.htm