NANAWAGAN si dating Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa taumbayan na igalang ang hatol ng Sandiganbayan noong nakaraang taon hinggil sa pag-absuwelto sa kanya sa plunder case.
Ayon kay Revilla, kandidato sa pagka-senador ngayong May 13 elections, nakakahiya na ang ginagawa ng ilang kababayan natin dahil hanggang ngayon ay ayaw nilang tanggapin ang naging hatol ng anti-graft court.
Aniya, kulang na lang ay isantabi na nila ang Sandiganbayan at gumawa ng sariling batas na kanilang kikilalanin.
Naniniwala pa si Revilla na matapos siyang maabsuwelto ng Sandiganbayan, posibleng ipawalang-sala na rin sina dating Senador Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.
Base sa resolusyon ng 5th Division, aprubado ng anti-graft court ang motion for leave to file demurrer to evidence nina Estrada at ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Ibig sabihin nito, may pagkakataon ang dalawang kampo na hamunin ang ebidensiya ng prosekusyon kung totoo o hindi para maabsuwelto na sila sa reklamo pero kung hindi ito kakatigan ng korte ay tuloy pa rin ang pagdinig ng kanilang kaso.
Kapag naabsuwelto sina Estrada at Enrile, sinabi ni Sen. Bong na parang sinampal na rin ang mga taong naghain ng kaso laban sa kanila.
“Tiyak na panibagong sampal na naman sa kanilang pagmumukha sakaling maabsuwelto rin si Sen. Jinggoy,” litanya ni Revilla.
Source From:https://www.abante.com.ph/hatol-sa-sandiganbayan-igalang-revilla.htm