Nakiusap si Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera sa state-owned Home Development Mutual Fund, o Pag-IBIG Fund, na huwag pabayaran sa mga miyembro ang mga hindi nabayarang monthly amortizations oras na matanggal na ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon sa House Deputy Majority Leader, hindi lang “unfair” ang hakbang ng Pag-IBIG Fund kundi paglabag din ito sa Republic Act (RA) 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.
Hindi sang-ayon si Herrera sa naging pahayag ng Pag-IBIG sa social media na ang lahat ng naka-due na loan amortization sa panahon ng ECQ ay kailangang bayaran oras na alisin na ang lockdown.
Mismong mga opisyal pa umano ng Pag-IBIG ang nagsabing dapat bayaran agad ang pagkakautang ng mga miyembro sa unang araw pagkatapos ng ECQ.
“Nananawagan po tayo sa Pag-IBIG, dapat kayo po ang numero unong nakikisama sa ating mga kababayan. Hindi ninyo pwedeng i-expect na pagbalik sa trabaho bibiglain ninyo na two or three months worth ang babayaran nila,” giit ni Herrera.
“Hindi po ‘yan makatarungan at hindi po ‘yan naaayon sa batas na ipinasa natin,” dagdag pa niya.
Source From:https://www.abante.com.ph/herrera-sa-pag-ibig-fund-wag-biglain-mga-miyembro-sa-utang.htm