Nagkaroon ng special appearance ang ilang Kapamilya star kabilang sina Vice Ganda, Coco Martin, at Kim Chiu sa ginanap na hearing para sa prangkisa ng ABS-CBN noong Martes (Mayo 26).
May video kasing ipinalabas na nagpakita sa serbisyo publiko ng ABS-CBN, at parte nito ang mga artista na nagbigay ng mensahe ng suporta para sa kanilang home network.
Naging pagkakataon din ang hearing para muling sabihin ni ABS-CBN CEO Carlo Katigbak na walang nilabag na batas ang ABS-CBN. Hanggang ngayon kasi marami pa rin ang paulit-ulit na nagbabalik ng mga isyung sinagot naman na ng network noon.
“We agree. The law is the law. And under the law, we are innocent unless proven guilty. Up to now, there is no court that has determined we have broken any laws,” sabi ng Kapamilya boss.
Mula rin daw mismo sa BIR, SEC, DOJ, at DOLE na walang kahit na anong pananagutan ang ABS-CBN, taliwas sa alegasyon ng bashers ng network.
“Sabi po ng BIR, bayad ang aming buwis. Nanggaling sa SEC na aprubado sa kanila ang pag-issue ng mga PDR. Ang Department of Justice ang nagsabi na hindi labag sa prangkisa ang KBO. Ang DOLE naman ay nagsabi na sumunod kami sa lahat ng compliance orders nila,” katwiran niya.
Nagpakumbaba rin ang ABS-CBN executive at inaming hindi perpekto ang network at handa silang punan ang kanilang kakulangan.
“Wala po kaming nilabag na batas. Pero inaamin namin na hindi kami isang perpektong organisasyon. May mga kakulangan din po kami. At handa naming ayusin ang mga ito.”
Pero kahit ilang beses nang pinatunayan ng ABS-CBN na walang rason para ipasara ito, inungkat pa rin ni Rep. Rodante Marcoleta ang mga lumang isyung nasagot na ng network sa Senado pa lang.
Marami tuloy nagtataka, bakit daw parang ‘di updated si Rep. Marcoleta? Ipinaalala pa ng netizens na siya rin daw ang nagmungkahi na P1,000 lang ang ibigay na budget sa Commission on Human Rights noong 2017, kaya hindi raw nakakapagtaka na wala siyang pakialam sa kapakanan ng 11,000 na mawawalan ng trabaho dahil keber siya sa human rights.
Binatikos din siya sa sinabi niyang hanggang 50 years lang daw pwede mag-operate ang isang network, gayong 70 years na ang GMA sa ere.
Ang gulo ha? Pero in fairness sa netizens, talagang dama ang suporta nila dahil number one sa trending list ang #IbalikAngABSCBN sa Twitter.
Siguro pare-pareho naman ang wish na sana maayos na ito sa lalong madaling panahon. Pinakakawawa rito ang mga empleyado na sinusuportahan ang pamilya nila. Hirap pa naman maghanap ng trabaho lalo ngayong may pandemia.
Source From:https://www.abante.com.ph/ibalikangabscbn-wagi-sa-twitter3.htm