Ikaw ang pagbabago

4 years ago 0 Comments

dito sa kanto

Ilang araw na lang at eleksyon na!
Tutungo na tayo sa kanya-kanya nating presinto kung saan isusulat natin sa balota ang ating pinili na mga kandidato na tingin natin ay kakatawan ng ating paniniwala at adhikain.

Sa madaling salita, kung kanino natin itataya ang kinabukasan natin at ng ating bansa.

Kung kaya ang pagboto, ang pagpili ng mga kandidato, ay isang mahalagang pagpapasya. Hindi ito tulad lang ng pagpili ng mananalo sa mga si­nging contest o beauty pageant.

Ang ating boto ay may kapangyarihang baguhin ang takbo ng ating buhay. Kung para sa maganda o para sa lalong problema.

Kaya sana ay kilatisin nating mabuti ang mga pulitiko na hindi magkanda-ugaga sa paghahabol at panunuyo sa atin, makuha lang ang ating mga boto.
Sinusuyo tayo ng mga pulitiko para bigyan natin sila ng kapangyarihan.
At ang kapangyarihan na yan ay dapat sana na gamitin para ipagtanggol ang kapa­kanan ng bayan.

Para siguruhin ang pag-unlad ng bansa at ng mamamayan. Para ipagtanggol ang saligang batas. Para ipagtanggol ang mga trabaho at para protektahan ang ating mga karagatan.

Hindi para tayo’y pagkakitaan at pagsamantalahan. Hindi para tayo’y ibenta sa dayuhan at hayaang gahasain ang ating likas-yaman.
Hindi para maging sunud-sunuran sa kagustuhan ng naghahari-hariang “tanod ng bansa.”
Kaya natin baguhin ang bansa.

Kung pag-iisipan natin ng maiigi ang pagpapasya. Kung ibibigay natin sa pinapaniwalaan na­ting hindi pababa­yaan ang ating bansa.

Sa inaakala nating hindi tayo ibebenta sa Tsina. Sa inaakala nating hindi ibibigay ang trabaho sa mga Tsino. Sa inaakala na­ting hindi maging sunud-sunuran o tuta ng naghahari-harian sa Malakanyang.

Sa inaakala na­ting ipagtatanggol ang saligang batas, at hindi paghiwa-hiwalayin ang ating bansa. Sa inaakala nating ipagtatanggol ang karapatang-pantao. Sa tingin nating hindi tayo pagnanakawan. Sa ina­akala nating ipagtatanggol ang buhay, lalo na ang buhay ng mga mahihirap. Sa ina­akala nating maninindigan para sa ba­yan.

Wag naman sana nating itaya ang ating kinabukasan sa mga kandidatong napatunayang kawatan, mga walang napatunayan na pagsisilbi sa taumbayan at ang kaya lang gawin eh bumili ng boto.

Ilang araw na lang tayo ay boboto na.

Nasa ating mga kamay ang kinabukasan ng bansa. Kung ano ang ating kahihinatnan, nasa ating pagpapasya.

Kung nais nating hindi tayo pagharian ng diktadurya, nasa ating mga kamay.

Kung nais nating hindi tayo ibenta, nasa ating mga kamay.

Kung nais nating hindi tayo pagnakawan, nasa ating mga kamay. Kung nais nating manatili ang saligang batas, nasa ating kamay.

Dahil tayo ang pagbabago, tayo ang magbabago.
Ikaw ang magbabago sa bayan mo.

Source From:https://www.abante.com.ph/ikaw-ang-pagbabago.htm

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi