Ilang OFW sa Saudi Arabia namumulot ng basura para may makain

3 years ago 0 Comments
Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) – Namumulot umano ng basura ang ilang grupo ng skilled workers sa Riyadh, Saudi Arabia ngayong nawalan na umano sila ng trabaho dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Sa mga kuhang video nina Reymond Zaragosa at Donald De Las Alas, makikitang nagpupulot ng basura ang grupo ng mga skilled workers sa Riyadh, na halos apat na buwan na umanong hindi sumasahod. 

Kapag may napupulot silang gamit na mapapakinabangan pa ay kinukuha na nila umano ito. 

Ayon sa kanila, nagkakalkal sila para makakuha ng mga gulay at prutas na makakain nila sa araw-araw. 

Sampu silang magkakasama pero nagkahiwalay sila sa dalawang grupo para may makain.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabigyan naman daw sila ng food packs ng Philippine Overseas Labor Office, pero hindi pa anila ito sapat. 

Inirereklamo rin anila nila ang kanilang kompanya dahil bukod sa walang pasahod ay hindi pa umano sila binibigyan ng benepisyo. 

Kaya ngayon, umaapela silang mapauwi na ng gobyerno. 

“Sana po makarating sa kinauukulan diyan sa gobyerno sa Pinas tulungan kami rito makauwi kasi hirap na hirap na kami rito. Tatlong buwan mahigit kami rito walang trabaho at walang sahod," ani Zaragosa. 

Pebrero pa sila nag-file ng repatriation sa POLO pero wala pang tugon umano ang ahensiya sa kanilang petisyon. 

Samantala, ang isa pang grupo ng OFW, namumulot ng gulay at prutas sa likod ng isang palengke sa parehong siyudad para lang may makain sa pang-araw-araw

Kuwento ng aluminum technician na si John Carlos Valdez, mula Abril ay nawalan na sila ng trabaho at naninirahan pa rin sila aniya sa villa na inilaang tirahan ng mga employer, pero wala na umano silang sinasahod. 

"Malinis naman po, sir. 'Yun lang po naitapon na sa garbage so parang hindi na po 'yun malinis. Pero kasi wala po kaming choice. Malinis po 'yan para sa amin para may makain kami sir sa araw-araw," ani Valdez sa panayam sa “Lingkod Kapamilya” ng Teleradyo.

Ilang beses na rin daw sila lumapit umano sa POLO pero wala umano silang napala dala ng limitadong operasyon ng ahensiya. 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, sisikapin nilang ayusin na ang mga flight ng mga nais nang magpa-repatriate mula Riyadh, pero aminado silang mahihirapan sila ngayong limitado pa rin ang mga flight. 

"Naka-lockdown ang Riyadh pero sa next available flight isasama namin sila unti-unti," ani Bello. 

Pananagutin din nila aniya ang mga recruitment agency na umano'y nagpabaya sa mga OFW. 

"Kakausapin ang Labor attache at kung maaari sana 'yung pangalan at number ay matawagan kay Labor Attache Mustafa. Hindi dapat naghihirap 'yung aming kababayan," ani Bello. — Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Source From:https://news.abs-cbn.com/news/06/18/20/ilang-ofw-sa-saudi-arabia-namumulot-ng-basura-para-may-makain

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Aplikasi UP Station
telah tersedia sekarang
Buka Artikel
Download Aplikasi