MAYNILA – Tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na ligtas mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang tubig na mula sa dalawa nitong concessionaires na nabibigay serbisyo sa kalakhang Maynila.
Ayon kay MWSS Administrator Emmanuel Salamat, dumaraan sa Philippine National Standards for Drinking Water ang supply ng tubig mula sa mga concessionaires nitong Maynilad at Manila Water.
"Ini-ensure ng dalawang concessionaires natin that our water is safe and compliant doon sa Philippine National Standards for Drinking Water," sabi niya.
Sa Laging Handa briefing Sabado, binanggit din ni Salamat na may mga personnel sila at ang kanilang concessionaires na naglilibot upang makapag-inspeksiyon.
Aniya, may sapat na suplay ng tubig sa gitna ng lockdown na umiiral sa Luzon, kung saan pinananatili sa mga bahay ang mga tao para hindi na mahawa sa COVID-19.
"We are assuring the public na mayroong sapat na supply ng tubig," sabi niya.
Aniya, humiling na sila noon pang Marso 13, bago ang enhanced community quarantine, na dagdagan ng National Water Resource Board ang kanilang alokasyon mula 42 cubic meters per second hanggang 46 cms.
"'Yun po contribution ng water utilities na makapaghugas po tayo, makapaligo at magamit din po 'yung ating mga patubig para sa sanitation din po," sabi niya.
Nakapag-install din umano ng sanitary gantries para sa vehicular sanitation sa main tributaries.
"With that, na-reduce water service interruption natin from 67 percent to 87 percent. Nakakapagserbisyo tayo ng mas malaki ngayon kaysa dati with the increased allocation with the suply natin from Angat Dam," sabi niya.
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/04/04/20/inuming-tubig-ligtas-sa-covid-19-mwss