BALEWALA kay Lewis Alfred Tenorio na makamit ang taguri bilang pinakabagong ‘Iron Man’ ng PBA.
Mas pokus siya sa kampanya ng Barangay Ginebra.
“Hindi naman mahalaga sa akin kung ano’ng bilang na ako nakapaglaro ng diretso, basta ako, lalaro lang ako nang lalaro hanggang kaya pa, para sa pamilya at sa sumusunod sa amin na Barangay Ginebra,” sabi ni Tenorio.
Ito ay matapos pantayan ng dating Ateneo Blue Eagle ang pagkilala bilang ‘Iron Man’ ng liga noong Biyernes sa pagkumpleto nito sa ika-596 na diretsong paglalaro na pumantay sa nagawa ni Alvin Patrimonio.
Hindi lamang pinatunayan ni Tenorio ang kanyang tibay kundi idinagdag nito sa kanyang pinakahuling marka sa liga ang pagkolekta para sa Gin Kings ng 23 puntos, walong rebounds, limang assists at tatlong steals para itulak ang Ginebra sa 100-97 panalo kontra sa Phoenix Fuel Masters para manatiling buhay ang tsansa sa playoffs.
Ibinagsak ng 35-anyos na si Tenorio ang magkasunod na tres upang unang maitabla at saka inagaw ang abante para ipakita ang katotohanan dito sa taguri na ‘Iron Man’ na simbolo ng matinding paglalaro at sakripisyo na tinahak sa kanyang paglalaro sa PBA.
“Parang nasuklian yung lahat ng hardwork, discipline and sacrifices na ginawa ko, nagbubunga,” sabi ni Tenorio.
Inaasahang malalampasan ng Ginebra point guard ang record sa pagsagupa ng Gin Kings sa kapatid na Magnolia Hotshots sa Linggo na ika-597 diretsong paglalaro niya.
“Sana ‘yung legacy na maiiwan ko sa basketball o sa PBA o sa profession natin ay maging inspirasyon ako sa mga aspiring basketball player para makarating sa ganitong sitwasyon,” sabi nito.
Source From:https://www.abante.com.ph/iron-man-tenorio-tutok-sa-gin-kings.htm