Hindi listahan ng mga artistang sangkot daw sa droga ang bumandera sa mga balita kung hindi ‘iskandal’ ng isang batikan na lalaking mang-aawit na nalilinya na rin ngayon sa usapin ng politika ang lumabas at pinagpiyestahan ng mga netizen.
Dahil alam na naman siguro ninyo kung sino siya, huwag na nating banggitin ang pangalan at sa halip ay pag-usapan na lang natin ang isyu ng paglalabas ng mga ‘private video’ ng mga tao nang wala silang pahintulot.
Sabi ng ating kurimaw na nakikigamit ng wi-fi sa kapitbahay, mas gusto lang niyang tawagin na ‘video scandal’ sa halip na ‘sex scandal’ ang video ng mang-aawit dahil wala naman daw yata itong ‘kasiping’ at sa halip eh ‘pinapaligaya’ lang ang sarili, habang tila may ka-video chat.
Kung tutuusin, sabi ng ilang eksperto sa medisina, wala naman daw masama kung gagamitin mo ang ‘malikot’ mong pag-iisip para ‘paligayahin’ ang iyong sarili [lalaki man o babae], at nang mailabas ang ‘init’ ng katawan. Isa pa, sarili mo lang naman ang ‘inaabuso’ mo at wala kang napeperwisyong ibang tao. Ang masama lang ay kung ginagawa mo ito in public o sadyang ipinapakita mo sa iba, at kung panay-panay mo nang ginagawa. Aba’y baka may tama ka na sa isip.
Kaysa nga naman manggahasa ka, aba’y sarili mo lang ang abusuhin mo. At kung may pambayad ka naman, aba’y baka kung ano-anong sakit naman ang abutin mo tulad ng STD o HIV/AIDS. Samantalang kung ‘magsasarili’, libre na, may mga health benefit pa umanong ng makukuha. I-search nyo na lang mga tsong. Pero siyempre sa mga relihiyoso, kasalanan ang ‘pagsasarili’.
Pero ang nakakabahala talaga ang pagdami ng insidente ng paglalabas ng mga ‘sex scandal’ na walang pahintulot ng mga taong sangkot. Kung mag-partner man ang nasa video, kadalasang lalaki ang naglalabas ng video para hiyain ang babae lalo na kung nakipag-break sa kaniya.
Sa ilalim ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 (Republic Act 9995), bawal ang pagkuha ng video o larawan kung walang pahintulot ng taong kinukuhanan. At lalong bawal na ilabas sa anumang internet platform. Pero ang nangyayari nga, dumadami ang ganitong insidente, at kabilang na nga ang nangyari sa singer.
Sa isang ulat, sa unang tatlong buwan pa lang ng 2019, nakapagtala na ang Cybercrime division ng National Bureau of Investigation’s (NBI) ng 142 kaso ng paglabag sa RA 9995. Aba’y nalampasan na raw nito ang bilang na 94 kaso na naitala noong 2018.
Pero sa NBI pa lang yan, ang Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police, nakapagtala naman daw ng 106 kaso sa unang dalawang buwan ng 2019. At kapag pumasok na ang datos ng Marso, malamang daw ay mahigitan na rin ang 120 kaso na naitala sa buong 2018.
Ang malaking tanong ng ating kurimaw, bakit? Ang sagot naman natin, dahil may camera na ang cellphone. Ang ibang hibang sa pag-ibig, pumapayag na magkaroon ng ‘souvenir’ sa kanilang pagmamahalan. Kaya lang eh hindi lahat ng pag-ibig ay may forever. Kaya kapag nakipag-break si babae, ginagawang panakot ni lalaki ang kanilang ‘private’ video o nude pics ni babae.
Kung minsan, humihirit ng ‘isa’ pa ang lalaki kay babae at mananakot na ikakalat ang kanilang video o pics kapag hindi pumayag. Doon na nangyayari ang tinatawag na ‘sextortion’. Ang ibang kulokoy naman, naghahanap ng makikilala sa social media, aayain ng inuman, at kapag nalasing ang babae, hahalayin at kukunan pa ng video o larawan at ipagyayabang. Aba’y bakit hindi na lang nila kunan ng video ang sarili nila habang ‘inaabuso’ ang kanilang sarili?
Ang lesson sa mga istoryang ito, huwag i-video o kunan ng larawan ang pribadong ginagawa. Period. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
Source From:https://www.abante.com.ph/iskandal.htm