Napakarami na namang pinakilig nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo dahil sa pag-uusap nila nang mag-IG Live si Bea kagabi, April 27.
Noong una’y muntik nang gumib-ap si Bea dahil wala siyang matawagan sa mga kaibigan na naga-accept ng video chat niya for IG Live. Kaya laking gulat ng mga nagpa-follow sa kanya nang lumabas sa screen si John Lloyd.
To prove na close talaga sila, tinanong ni John Lloyd si Bea kung kailan daw siya pinakamasaya na sinagot ni Bea nang, “Kapag kasama mo si Elias.”
At sa sumunod na tanong ni John Lloyd kung kailan naman daw siya pinakamalungkot, sinagot ito ni Bea nang, “Kapag mag-isa ka.”
Doon na nagsimulang tila masenti o medyo maging deep ni Lloydie. Nabanggit din nito na kahit may kasama siya, nakakausap din daw niya ang ibang kaibigan niya, pero, parang mag-isa pa rin daw siya.
Ayon kay John Lloyd, “Ito na yata ang pinakamalungkot na way ng pag-iisa. Yung tipong napapalibutan ka ng ilang tao, pero, hindi mo alam kung saan nanggagaling. Masuwerte ka, may bahay ka, nakakakain ka nang higit na dapat sa isang araw. Yung iba, walang makain.
“Pero hindi mo lang talaga masabi saan nanggagaling—ang sama, e, ‘no, parang sarili lang iniisip ko.”
Sinabi naman ni Bea kay Lloydie na subukan pa rin daw nitong maging masaya para kay Elias man lang. At doon inamin ni John Lloyd na siguro nga, bilang magulang, nakararamdam daw ito ng takot ngayon para sa anak.
“Natatakot ako kung paano siya palalakihin. Ang mundo natin, ibang-iba na. Nakakatakot, e. Ang bilis lang mamatay ngayon. Ang bilis lang pumatay. Kaya iniisip ko, namamatay na lang nang walang kalaban-laban dahil sa sakit.
“Ako, nahihirapan akong sabihin na suwerte ako. Nakakahiyang sabihin na wala kang magawa.”
Pero sinalungat ito ni Bea na akala lang daw ni Lloydie na wala itong magagawa, marami raw silang puwedeng gawin.
“Ako, wala akong choice,” sagot ni John Lloyd.
“Kasi, dito ko kailangang palakihin ang anak ko sa ganitong estado ng mundo. Hindi ko alam kung masuwerte pa rin ang tawag dun.”
Binalikan ng tanong ni Bea ang ka-loveteam nang, “what do you do with that privilege?”
Nauwi naman sa batuhan ng mga “classic” na linyang binatawan nila sa mga hit movies na pinagsamahan nila tulad ng One More Chance at unang serye na pinagsamahan nila, ang Kaytagal Kang Hinintay.
Sa puntong ito, ang daming kinilig sa dalawa at ang dami rin na nagko-comment na “hopia” raw, which mean, paasa raw ang mga ito.
Kilig din nang tanungin ni John Lloyd si Bea nang, “Are you jealous?” nang magbanggit ng linya si John Lloyd na hindi naman nila movie, instead, pelikula ni John Lloyd with Sarah Geronimo.
Naputol ang IG Live nilang dalawa nang pumasok ang anak ni John Lloyd na si Elias at kahit na sa madalas na pagkakataon ay hindi nito pinapakita ang anak, sa pagkakataon yun ay pinag-Hi pa ni Lloydie si Elias bago magpaalam na kailangan daw niyang patulugin na.
Dahil din sa IG Live ni Bea, nalaman ng lahat na ngayong enhanced community quarantine, na kay John Lloyd ang anak at wala sa mommy nito na si Ellen Adarna.
***
Bea, Lloydie nagpaulan ng kilig
Malakas si Bea kay John Lloyd dahil siya lang ang nakagawang maka-usap ng live sa actor. Tumagal din ng kulang 30 minutes ang pag-uusap nina John Lloyd at Bea through IG Live na akala namin, baka mauwi sa away o pagkakainitan ang diskusyon nila dahil sa pangangamusta at tanong ni John Lloyd tungkol sa ginagawang pagtulong ni Bea sa ilang frontliners.
Kahapon kasi ay naglutong muli si Bea through I Am Hope organization. Nag-pack at namigay ng meal na bagoong rice sa mga frontliner ng National Institute of Health at University of the Philippines- Manila (UP NIH).
Dito na pumasaok ang tila magkasalungat na pananaw nilang dalawa sa bagay na ito. Sa una, tinanong ni John Lloyd si Bea kung hindi raw ba ito napapagod.
Ayon kay Bea, “walang etchos, parang hindi mo napi-feel ang pagod. Siyempre, may volunteers kami, sila nagdadala ng mga donation, kapag makita mo ngiti, ang ganda. Akala mo bahay at lupa ang binigay namin, isang meal lang naman. Pero grabe ang pasasalamat nila.”
Sinabi ni Bea na tutulong daw sila hangga’t kaya nilang tumulong. Pero binalikan ito ng tanong ni John Lloyd nang, “paano kung hindi niyo na kaya?”
Kitang-kita sa IG Live ng dalawa kung gaano ka-casual sa isa’t isa. Hiniritan ni Bea si John Lloyd kung kinukuwestiyon daw ba nito ang optimism niya sa tanong ng huli kung sino ang magpo-provide kung hindi na nila kaya.
Sey ni Bea kay John Lloyd, “Hindi ba puwedeng hindi ko alam? Tumutulong lang naman ako. Ano yun?”
Kaya pakiusap na ng mga IG followers, mag-change topic na raw ang mga ito dahil halatang marami raw tanong si John Lloyd or to quote a netizen, tila bitterness o frustration.