MAYNILA – Dadagdagan ang bilang ng maaaring sumakay sa Metro Rail Transit (MRT) simula Lunes.
Kasabay ito ng pagluwag ng physical distancing rules na ipatutupad ng gobyerno simula Setyembre 14.
Ayon sa MRT, aakyat na sa 204 na commuters ang kayang ilagay sa isang train set.
Katumbas ito ng 68 commuter kada bagon.
“Aakyat na sa 204 na commuters sa isang train set, o 68 kada bagon, ang maaaring sumakay sa mga tren, mula sa dating 153 na pasahero sa isang train set, o 51 kada bagon,” anila sa isang pahayag.
Sa kasalukuyan, may 19 na train sets ang MRT-3.
Maaalala na noong Biyernes ay inanunsiyo ng Department of Transportation na luluwagan nila ang physical distancing rules sa loob ng mga pampublikong sasakyan simula Setyembre 14.
Sinabi ng DOTr na ibaba nila sa 0.75 metro ang distansiya sa pagitan ng mga pasahero at unti-unting ibababa matapos ang kada dalawang linggo.
Source From:https://news.abs-cbn.com/news/09/12/20/kapasidad-ng-mrt-dadagdagan-sa-pagluwag-ng-distancing-protocols