INIREKLAMO ng isang ina ang pamunuan ng Ospital ng Malabon dahil umano sa palpak na serbisyo matapos malagay sa panganib ang buhay ng kanyang limang-buwan gulang na anak dahil sa matinding pagsusuka.
Sa kanyang facebook post noong Marso 15, 2019, sinabi ni Jamie Laurenti Angeles na dinala niya ang kanyang anak sa Ospital ng Malabon noong Biyernes nang gabi dahil sa pagsusuka.
Ilang oras na aniya silang naghihintay pero walang dumarating na doktor para suriin ang anak niyang nanlalambot at namumutla na.
Inireklamo rin ni Angeles ang mga nurse sa ospital na nagdadaldalan lang umano at hindi sila inasikaso.
Sa takot na may masama pang mangyari sa sanggol, sinabi ni Angeles na nagpasya na silang lumipat sa Tondo Medical Center (TMC) kung saan ay agad na nalapatan ito ng lunas
“Shout out sa #OspitalngMalabon. Thank you sa HINDI PAG-ASSIST sa amin kaya DEHYDRATE ngayon anak ko hindi malaman kung may doctor ba o wala. Daldalan lang mga nurse. Thankyou #TondoMedicalCenter naagapan nyo agad si baby,” ayon sa post ni Angeles.
Ilan pa ang nagkomento sa post ni Angeles at inirereklamo rin ang umano’y mabagal na serbisyo, kakulangan ng mga gamot at doktor at hindi magandang pag-uugali ng ilang kawani sa nasabing ospital.
Source From:https://www.abante.com.ph/kawalan-ng-doktor-sa-ospital-ng-malabon-inireklamo.htm