Malapit nang maabot ni International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin ‘Pretty Boy’ Ancajas ang kanyang 100 porsiyentong kondisyon para sa kanyang ikapitong title defense fight, sa pagkakataong ito kontra Japanese rival Ryuichi Funai.
Itataya ni Ancajas ang kanyang korona laban kay Funai sa darating na Mayo 4, 2019 sa Stockton, California.
Personal na nakapanayam natin ang 27-anyos na boksingero nitong nakaraang Huwebes sa TOPS Usapang Sports sa National Press Club sa Intramuros, Manila at naikuwento niya sa atin na maayos at nasa tamang direksiyon daw ang kanyang paghahanda sa ilalim ng kanyang trainer na si Joven Jimenez.
Ayaw magbigay ng prediksiyon ni Jerwin kung patutulugin ba niya o make-KO si Funai subalit nangako ito na gagawin ang lahat upang madala pabalik ng Pilipinas ang kanyang IBF junior bantamweight belt matapos ang laban sa Mayo 4.
“Maayos naman po ang training camp namin. Siguro nasa 90% na po (condition) tayo ngayon. Sana po ipag-pray ninyo ako,” sambit sa akin ni Ancajas.
Kung pagbabasehan ang kanyang pisikal na kondisyon, mukhang maayos nga ang pangangatawan ng produkto ng Panabo City sa Davao del Norte na nakabase na ngayon sa Cavite.
Hawak ni Jerwin ang 30-1-2 panalo-talo-tabla na record kabilang ang 20 KOs pero itong huling dalawang laban niya ay split draw (kontra Alejandro Santiago Barrios/Setyembre 28, 2018) at unanimous decision (kontra kababayang si Jonas Sultan/Mayo 26, 2018) ang kinalabasan.
Kaya naman, inuurot siya ng mga dumalong media sa TOPS Usapang Sports kung make-KO ba niya si Funai?
Abangan na lang natin at ipagdasal si Jerwin.
***
Advance happy seventh birthday sa aking napakakulit, napaka-brusko, napakabait at napakalambing na bunso na si Gray S. Delos Santos sa darating na Marso 20.
Source From:https://www.abante.com.ph/knockout-win-naman-jerwin.htm